Pelikulang 'Rewind' highest grossing Pinoy film sa bansa sa P815-M

Kuha kina Marian Rivera (kaliwa) at Dingdong Dantes (kanan) sa pelikulang "Rewind"
Video grab mula sa Youtube channel ng ABS-CBN Star Cinema

MANILA, Philippines — Masayang ibinalita ng Star Cinema na nakamit ng 2023 Metro Manila Film Festival entry na "Rewind" ang pagkilala bilang pelikulang may pinakamalaking kita sa kasaysayan ng Pilipinas kung "local sales" ang titignan.

Miyerkules nang ibahagi ng naturang film studio ang nakamit ng pelikula. Matatandaang walang napalanunang award ni isa ang "Rewind" kahit 10 ang naging nominasyon nito sa nakaraang MMFF.

"In Philippine domestic sales, #RewindMMFF IS NOW THE HIGHEST GROSSING FILIPINO FILM OF ALL TIME!" sabi ng Star Cinema sa isang Instagram post kahapon.

"And as of 3PM today, the worldwide total gross of ‘Rewind’ is PHP 845 Million."

Sa ulat ng ABS-CBN ngayong Huwebes, sinasabing kumita na ng P815 milyon sa domestic box office sales ang "Rewind."

Dahil dito, nalampasan na ng pelikula ng real-life husband and wife na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang records na naitala ng "Hello, Love, Goodbye" (P691 milyon) at "The Hows of Us" (P690 milyon).

"Noong binasa namin ‘to, isa lang gusto namin mangayari, bonus na lang figure, alam namin naraming pinagdaanan tao ng pandemic," sabi ni Marian sa thanksgiving event ng pelikula kahapon.

"Kaya sabi namin sana gawin kami instrumento ng Panginoon na touch puso nila na magbago at mas mahalin mga tao sa paligid nila."

Ayon naman kay ABS-CBN chairperson Mark Lopez, umaasa silang makagagawa pa ng "magagandang pelikula gaya nito" sa hinaharap.

Dagdag pa niya, espesyal ito hindi lang dahil sa tinabo nito sa takilya ngunit dahil na rin sa paghaplos nito sa puso nang maraming Pilipino.

Mapapanood pa rin ang "Rewind" sa mahigit 300 sinehan sa Pilipinas, Estados Unidos, Canada, Guam at Saipan.

Una nang sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ang ika-49 MMFF na ang highest-grossing edition ng pista, matapos nitong mahigitan ang P1.069 bilyong box-office earnings ng patimpalak noong 2018.

 

 

Show comments