MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng ABS-CBN ang mga maari nilang gawing legal na aksyon matapos panindigan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang desisyon nitong suspindihin ang "It's Showtime" sa ere.
Huwebes nang ibalita ng MTRCB na ibinasura ang inihaing "motion for reconsideration" ng ABS-CBN at GMA Network, Inc. laban sa 12-day suspension order kaugnay ng ginawa nina Vice Ganda at Ion Perez sa "Isip Bata" segment ng programa noong July 25.
Related Stories
"Naihain na sa amin ang desisyon ng [MTRCB] na itinanggi ang aming Motion for Reconsideration para sa programang 'It's Showtime' at pinag-aaralan namin ang aming options," wika ng ABS-CBN Integrated Coporate Communications kahapon.
"Samantala, habang hindi pa final at executory ang ipinataw na suspensyon, nais naming ipaalam sa aming viewers na patuloy pa rin nilang mapapanood ang 'It's Showtime' sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV. Pwede rin itong mapanood sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC."
BASAHIN: Pahayag ng ABS-CBN sa desisyon ng MTRCB tungkol sa "It's Showtime. pic.twitter.com/Sh1wNBjZ6B
— ABS-CBN PR (@ABSCBNpr) September 28, 2023
Ang desisyon ng MTRCB na isuspindi ang "It's Showtime" ay umusbong sa pagkain ng icing ng cake nina Vice at Ion gamit ang daliri, bagay na inireklamo ng ilan bilang "malaswa."
Gayunpaman, maraming netizens ang nagsasabing wholesome na lambingan lang ito ng LGBT couple. Ang ilan naman, sinasabing tila pinag-iinitan ang palabas dahil sa homophobia.
Matatandaang umere pa rin ang palatuntunan sa kabila ng naunang suspensyon dahil sa paghahain ng MR ng ABS-CBN at GMA-7. Ipinapalabas din kasi sa ngayon ang palabas sa Kapuso channel na GTV.
"Buong puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng nagmamahal, sumusuporta, at nanonood ng aming programa," dagdag pa ng ABS-CBN kahapon.
"Patuloy kaming maghahatid ng saya at inspirasyon sa aming minamahal na Madlang People."
Meron namang 15 araw ang "It's Showtime!" sa ngayon upang maghain ng motion for reconsideration sa Office of the President, ayon sa ulat ng state-owned PTV4.
Una nang nagmatigas si MTRCB chair Lala Sotto na hindi siya magbibitiw sa pwesto kasunod ng pag-deny ng MR. Kilalang anak si Lala ni Tito Sotto, na siya namang host ng karibal na noontime show sa TV5 na "E.A.T."