Isang grupo ng mga artista ang inimbita ng isang kilalang pulitiko sa kanilang probinsiya. Maraming bagets na artista, may mga male at female singers din, may sexy stars.
Kilalang-kilala sa pagiging generous ang pulitiko, super-yaman, may mga artista ring nauugnay ang pangalan sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Kampanya ‘yun, e! So, in between ng pagsasalita ng mga politicians, isinisingit ang entertainment. Masaya ang gabing ‘yun, lalo na ang audience, dahil ang dami-daming artistang dumating sa probinsiya nila!
“Sobrang dami! At puro kilala ang mga personalities! Iba na talaga ang super-yaman, kayang magpadala ng mga sikat na artista, may budget kasi!
“Inabot nang madaling-araw ang show, napakarami kasing pulitikong nagsalita, marami ring artistang nag-perform!” unang kuwento ng aming impormante.
Pagkatapos ng kampanya ay tumuloy uli ang mga artista sa bahay ng nag-imbitang pulitiko sa kanila. Marami kasing pabaon sa kanila ang pulitiko, may bigas, may mga gulay at kung anu-ano pang mga produkto.
Kumain uli ang mga artista, sangdamakmak ang mga pagkain, iba sa ihinain nu’ng hapunan nila. Ang mga personalidad, nagsipag-uwi pa ng food, panalung-panalo talaga sila nu’ng umuwi na.
Patuloy ng aming source, “’Yung sexy star na kasama sa grupo, hindi sumama sa pag-uwi. Meron pa raw siyang dadaanang mga kamag-anak, tutal, nandu’n na rin lang siya. Pero iba pala ang ginawa ng sexy star!
“Nagpaiwan pala ang girl dahil meron siyang tinatarget na politician nu’ng gabing ‘yun! May pinagkasunduan sila. Alam na alam ng pulitiko na puwede ang sexy star sa biglaang invitation if the price is right!
“Ang galing-galing talaga ng girl na ‘yun! Hindi lang mga produkto at food ang naging bonus niya sa show, kundi datung! Wala naman pala siyang dadaanang mga kamag-anak kaya hindi siya sumabay sa pag-uwi sa mga kasama niya, dumaan pala sila ng politician sa hotel!
“Ganu’n siya katindi! Napakahusay niyang maghanap ng mina ng ginto! Marunong talaga siyang kumilatis! Alam niya ang totoong ginto sa fake lang!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Angelica, consistent ang katapangan
Matapang si Angelica Panganiban. Isinawsaw na niya ang magkabila niyang paa sa mundo ng politika. Wala sa bokabularyo ng artistang ito ang pagsuko.
Kapag pinasok niya ang isang bagay ay pinaninindigan niya. Kung ang ibang personalidad ay singkuwenta porsiyentong tapang lang ang ipinakikita ay iba si Angelica. Isandaang porsiyento o higit pa ang kaya niyang ibigay.
Natural, may mga hindi rin nagkakagusto sa kanyang katapangan, tinatawag siyang starlet. Huwag naman. Kung ang isang tulad ni Angelica ay tatawaging starlet, sino pa at ano pa ang ibig sabihin ng pagiging artista, huwag naman.
Marami nang napatunayan si Angge, maraming beses na rin siyang nakapag-akyat ng milyones sa kaban ng mga prodyuser na tumaya para igawa siya ng proyekto, hindi siya dapat ituring na starlet.
Ang tunay na starlet o baka nga starless pa ay ‘yung mga nag-aartistang wala pa namang napatutunayan. ‘Yung hindi kilala ng publiko ang pangalan. ‘Yung sinasabihan ng the who dahil hindi naman talaga nagmamarka sa mga kababayan natin ang kanyang name.
‘Yun ang starlet. ‘Yung hindi pa puwedeng tawaging laos dahil hindi naman sumikat. ‘Yun ang mga starlet na umeepal pa na akala mo relevant sila kahit hinding-hindi naman.
Ganu’n ang starlet!
Alam naman natin na nahahati sa dalawang kampo ngayon ang mga artista. May mga pulahan, ang si BBM ang minamanok, at meron ding mga kakam-pink na si VP Leni Robredo naman ang sinusuportahan.
Pero direktang magkalaban man sa panguluhan ang kanilang kandidato ay hindi sila nag-aaway-away. Walang personalan. Eleksiyon lang kasi. Hindi nila pababayaang masira ang kanilang samahan at pagkakaibigan nang dahil lang sa magkaibang pulitiko ang kanilang kinakampihan.
Pinagpipistahan si Toni Gonzaga dahil kamping-BBM siya. Kung anu-anong masasakit na salita ang ipinalulunok kay Toni.
‘Yun din ang dahilan kung bakit pinuputakti ng ampalaya at apdo ngayon si Angelica. Kakam-pink kasi ang aktres.
Ang ibang artista kasi ay hindi masyadong lumalantad, hanggang sa pagpo-post lang sila, samantalang sina Toni at Angelica ay litaw ang mga ulo sa pagsuporta sa magkalabang kandidato.
Natural, dahil sila ang nakikita, sila ang pinupukol. Kani-kanyang kampo ang pagtatanggol at pagbira sa kanila. Nagiging personal tuloy ang laban.
Pero pagkatapos ng botohan ay babalik na uli sa normalidad ang ating bayan. Isang araw, sinuman ang magwagi, ay pagtatawanan na lang nilang lahat ang senaryong ito.