Miss Universe Catriona Gray emosyonal na nagpaalam bilang Binibining Pilipinas

Sa litratong ito, makikita kung paanong inilipat ni Catriona Gray ang korona kay Binibining Pilipinas 2019 Gazini Ganados.
Instagram/Catriona Gray

MANILA, Philippines —  Matapos ang isang taong pagrereyna bilang Miss Universe 2018, nagpasalamat si Catriona Gray kagabi sa kanyang mga taga-suporta mula pa lamang nang siya’y itinanghal bilang Binibining Pilipinas 2018.

Sa kanyang farewell speech sa Coronation Night ng Binibining Pilipinas 2019, labis ang kanyang pasasalamat sa mga natulungan sa pamamagitan ng “Young Focus” at “Love Yourself,” na siyang naging bahagi ng kanyang adbokasiya bilang Miss Universe 2018.

View this post on Instagram

A post shared by Catriona Gray (@catriona_gray) on

Ang “Young Focus” ay isang organisasyong nakatutok sa pagtulong ng mga mag-aaral sa Tondo habang ang “Love Yourself” naman ay isang organisasyong naglalayong makatulong sa paglawak ng kaalaman ukol sa acquired immunodeficiency syndrome at human immunodeficiency virus.

“To my Young Focus and Love Yourself family, I would not have the same heart as you knew me or the same sense of purpose had not I learned from, been inspired by and worked with passionate people. It’s truly because of you that I am who I am,” sabi ni Gray.

(Sa mga pamilya kong Young Focus and Love Yourself, hindi ako magkakaroon ng ganitong puso at layunin kung ‘di dahil sa mga natutunan ko sa inyo, sa inspirasyon at sa pagtatrabaho ko kasama ng mga dedikadong tao. Ako ay ako ngayon dahil sa inyo.)

Sa parehong event, ika-9 ng Hunyo, ipinasa ni Catriona ang korona sa Cebuanang si Gazini Ganados matapos magwagi bilang Binibining Pilipinas 2019.

Siya rin ay nagkamit ng “The Face of Binibini” (Miss Photogenic) at Best in Long Gown. Si Ganados ay half-Filipino, half-Palestinian na nagmula sa Talisay, Cebu.

Mga pagsubok bilang kampeon

Ibinahagi rin ni Catriona ang kanyang mga pagsubok na napagtagumpayan sa loob ng isang taon.

“What was the point of all this? Who was I doing this for? I looked down at the lettering over my heart that said ‘Philippines’ and I felt its weight. Knowing the history, challenges and trials of the Filipino people, I thought of the children of Tondo and of my country,” sabi ni Catriona Gray.

(Ano ang punto ng lahat nang ito? Para kanino ba ito? Tiningnan ko ang mga letrang nagsasabing ‘Pilipinas’ sa aking dibdib at naramdaman ko ang bigat nito. Ngayong batid ko ang kasaysayan, paghihirap at pagsubok na dinararanas ng sambayanang Pilipino, naalala ko ang mga bata ng Tondo at ng buong bansa.)

“I may only be one person but I now have the opportunity to serve a hundred and four million Filipinos and I knew that I was doing para sa Pilipinas,” dagdag niya.

(Maaaring iisa lamang ako ngunit nagkaroon ako ng pagkakataon na paglingkuran ang isangdaan at apat na milyong Pilipino. At alam kong para ito sa Pilipinas.)

Pananampalataya sa Diyos, sarili, bansa

Muli ring ipinaalala ni Catriona na ang kanyang lakas ay nagmumula sa pananampalataya sa Diyos at sa sarili kasama ng kanyang pagtanggap sa pagmamahal ng iba. Kasama na rito ang pasasalamat sa kanyang mga magulang, Catrionians at sa Diyos.

“Like every other person, I had to conquer the fear from within. The fear of falling short, the fear of failure, the fear of not measuring up. But I conquered my fear with faith. Faith that God had purposely set me on this path and that he wouldn’t give me a burden too heavy to carry,” sabi ni Gray.

(Tulad ng iba, kinailangan ko ring labanan ang aking takot. Ang takot sa pagkukulang at pagkabigo. Pero napagtagumpayan ko ito sa tulong ng aking pananampalataya. Pananampalataya sa Diyos na ibinigay niya ito sa akin at wala siyang ibibigay na hindi ko kakayanin.)

Kilala si Catriona Gray bilang isang tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan at kabataan, na siyang pinagmulan ng kanyang sagot sa Binibining Pilipinas at Miss Universe noong nakaraang taon. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

Show comments