Dream wedding na maituturing ang nangyaring beach wedding sa Balesin Island Club sa showbiz couple na sina Billy Crawford at Coleen Garcia last Friday, April 20 sa ganap na ika-3:30 ng hapon na dinaluhan ng kanilang respective parents and close friends.
Kahit nine years old pa lamang si Coleen nang magkahiwalay ang estranged parents na sina Jose Garcia at Maripaz Magsaysay, dumalo ang dating mag-asawa sa pinakamahalagang okasyon ng kanilang anak.
Ang buong akala ng marami ay hindi makakadalo ang US-based parents ni Billy na sina Jack Crawford at Mayette Ledesma-Crawford pero nakarating ang mga ito.
Halos kumpleto ring dumating ang pamilya ni Billy sa It’s Showtime na sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Amy Perez-Castillo, Ryan Bang, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz maging ang dati nilang kasamahan sa programa na sina Kim Atienza at Eric Tai maliban kina Anne Curtis na nasa London preparing para sa kanyang pagsali sa London Marathon 2018 at si Karylle na namataan sa isang event ng Bench sa araw mismo ng kasal nina Billy at Coleen.
Hindi rin nakadalo sina Billy at Coleen sa November 12, 2017 wedding nina Anne Curtis at husband nitong si Erwan Heussaff na ginanap sa New Zealand.
Ganunpaman, masayang-masaya ang bagong kasal dahil bukod sa kanilang respective families ay nakadalo rin ang kanilang malalapit na kaibigan.
Tumayong godparents sina Dr. Steve Mark Gan, Dr. Vicki Belo-Kho, Sharon Cuneta, Karla Estrada, Amy Perez-Castillo, Kim Atienza at iba pa. Ang cute na anak ng mag-asawang Dr. Vicki Belo-Kho at Dr. Hayden Kho na si Scarlet Snow Belo Kho ay isa sa dalawang tumayong flower girls.
Ang isa sa mga punong-abala sa wedding preparations ng couple na si Ria Atayde na cousin ni Coleen ay siyang tumayong Maid of Honor.
Agaw-eksena naman ang Walang Hanggan star na si Sylvia Sanchez na dumating sa isla for the wedding lulan ng isang private helicopter.
Ang suot na suit ni Billy ay gawa ni Edwin Tan habang ang wedding gown ni Coleen ay isang custom made Galia sa Trinity Bridal Boutique in Hong Kong.
Si Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano ang kumanta sa wedding ceremony na sinamahan sa Balesin ng kanyang wife na si Angeli Pangilinan-Valenciano.
Mader Ricky mas gustong tumulong kesa magka-posisyon
Kung gugustuhin ng beauty czar at philanthropist na si Mader Ricky Reyes ay matagal na sana itong may posisyon sa gobyerno dahil ilang beses na siyang inaalok pero ito’y kanyang tinatanggihan dahil kaya naman niyang tumulong at maglingkod nang hindi kinakailangang maging isa siyang public servant.
Ang isa na namang makabuluhang proyekto na pinagkakaabalahan ngayon ni Mader Ricky ay ang kanyang pakikipagtulungan at pakikipag-alyansa sa Technical Education and Skills Development and Authority (TESDA) na pinamumunuan ni Sec. Gene Mamondiong at ng National Housing Authority headed by Marcelino Escalada, Jr. as general manager.
Nung nakaraang Biyernes (April 20) ng tanghali ay humarap para humingi ng tulong na imbitahan at hikayatin ang mga kabataan na nagtapos ng high school at hindi kayang ipagpatuloy ang kanilang kolehiyo na kumuha ng special courses sa TESDA dahil ang ilang buwang pagsasanay ay nangangahulugan ng kanilang agarang trabaho.
Samantala, kahit tumutulong si Mader Ricky sa iba’t ibang public service programs ng pamahalaan, mananatiling baby niya ang kanyang itinatag na Child Haus na pansamantalang tahanan ng mga batang may sakit na cancer at ng kanilang mga magulang at guardians habang ang mga batang may sakit ay nagpapagamot sa Philippine General Hospital (PGH) at iba pang public hospitals in Metro Manila.
Bukod kina Sec. Gene Mamondiong at Mader Ricky, dumalo rin sa isang intimate get-together with the entertainment media sina Quezon City Vice-Mayor Joy Belmonte at kinatawan ng National Housing Authority (NHA) na si Assistant General Manager na si G. Froilan Kampitan.