MANILA, Philippines — Itim ang bagong kulay ng pag-ibig sa primetime sa pagsisimula ng Korean fantasy thriller na Black ngayong Lunes (Jan. 8) sa first and true home of Asianovelas, ABS-CBN.
Tampok ang Korean stars na sina Song Seung-heon ng When a Man Falls in Love at Go Ara ng kakatapos lang na Hwarang, sundan sa Black kung paano magsasala-sala ang mga buhay nina Sarah, isang babaeng nakakakita ng nagbabadyang kamatayan ng tao; si Marlon, isang detective na nais magapi ang kasamaan at mabawasan ang kapahamakan; at si 444, isang grim reaper o tagasundo ng mga kaluluwang mamamatay na.
Noon pa man ay alam na ni Sarah na iba siya sa karaniwang nilalang. Nagagawa niya kasing makita ang anino ng kamatayan sa likod ng mga taong bilang na ang oras sa mundo. Nakikita niya rin kung paano mamamatay ang isang tao oras na mahawakan niya ang aninong iyon.
Isang araw ay magkukrus ang landas nila ni detective Marlon Han at matutuklasan nito ang kanyang itinatagong kakayahan. Aalukin siya nito na makipagtulungan sa kanya nang sa gayon ay masagip nila ang mga buhay sa bingit ng kamatayan.
Samantala, sa kabilang mundo ay tumakas naman ang kasangga ni 444 na isa ring grim reaper at sumapi sa katawan ng isang mortal. Ang mga grim reaper kasi ay maaaring kunin ang katawan ng isang mortal na kamamatay lang.
Sa kagustuhang maibalik ang ka-partner sa kanilang mundo, sasapi si 444 sa katawan ng isang taong naging biktima pa lang ng pagpaslang, si detective Marlon.
Dito na mag-uumpisa ang kanyang naiibang paglalakbay sa mundo ng mga mortal na hindi lang magbubukas ng mga natatagong lihim sa kanyang nakaraan, kung hindi magbubukas din ng kanyang puso sa natatanging babaeng bibihag nito, si Sarah.
Paano nga ba haharapin ni 444 ang mga hamon sa katauhan ni detective Marlon? Ano ang kahihinatnan ng kanyang pag-ibig sa isang mortal na isang matinding paglabag sa batas nilang mga grim reaper? Umibig naman kaya sa kanya si Sarah? Matuklasan niya rin kaya kung bakit pinatay si detective Marlon?
Huwag palalampasin ang pinakabagong Asianovela na Black simula ngayong Lunes pagkatapos ng The Good Son.