Sunud-sunod ang mga international beauty competition na sinasalihan ng Pilipinas nitong buwan ng November at sa tatlong kumpetisyon ay dalawa na rito ang nasungkit ng ating bansa – ang 2017 Miss Earth (Karen Ibasco) at 2017 Reina Hispanoamericana (Teresita Ssen “Winwyn” Marquez). Natalo naman ang Pilipinas sa 2017 Miss International kung saan si Mariel de Leon ang kumatawan.
Bukas, araw ng Sabado, ay gaganapin naman ang Miss World competition sa Sanya, China kung saan ang representative ng Pilipinas ay si Laura Lehman.
Ang talent manager at managing director na Miss World Philippines na si Arnold Vegafria ay isa sa mga tatayong hurado sa Miss World. Umaasa si Arnold na magiging maganda ang laban ni Laura sa nasabing competition.
Ang isa pang inaabangan ngayon ay ang nalalapit na Miss Universe coronation night na gaganapin sa The Axis ng Planet Hollywood sa Las Vegas, Nevada on November 26 kung saan naman si Rachel Peters ang kinatawan ng Pilipinas.
Winwyn on-call bilang reina
Inamin ni Winwyn na hindi ganoon kadali ang journey na kanyang pinagdaanan when she competed for the crown for Reina Hispanoamericana in Sta. Cruz, Bolivia. Halos mangiyak-ngiyak siya dahil hindi sila magkaintindihan ng karamihan sa mga kandidata na pawang Latina at Spanish ang salita at wala umanong puwedeng mag-interpret para sa kanya. Pero sa kabila nito ay siya na mismo ang gumawa ng paraan para magkaintindihan sila.
Ang nakakalungkot lamang daw ay mga kababayan pa umano natin ang namba-bash sa kanya sa halip na maging supportive. Inamin ni Winwyn na nakatulong sa Q&A portion ang personal niyang naging experience habang siya’y nasa Bolivia for the competition.
Ngayong nakabalik na ng bansa si Winwyn ay puwede nitong ipagpatuloy ang iba niyang gawain bilang actress pero on call umano siya sa mga activities lined-up for her ng Reina Hispanoamericana organization sa Bolivia at maging sa ibang bansa.
Tatlong lola huhusgahan sa pelikula
Matapos sugalan noon ang JoWaPao nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros ni G. Tony Tuviera sa isang sold-out major concert sa Big Dome several years ago, heto’t sumusugal na naman si G. Tuviera sa tatlo bilang mga lola as Lola Tinidora, Lola Tidora at Lola Nidora, bilang mga lola sa Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies na co-venture ng APT Entertainment at M-Zet Films mula sa direksiyon ni Mark Reyes.
Ito’y magbubukas sa mga sinehan nationwide simula sa November 22, 2017.