Shaina may ginagawang international movie, ayaw seryosohin si Piolo, Luis at Jessy sisisid lang sa Valentine

PIK: Excited si Shaina Magdayao na kinuwento sa media na meron siyang ginawang ma­laking pelikula na pang-international, pero hindi pa raw muna niya puwedeng sabihin sa ngayon. “It’s something different. Parang first time ko magawa in my whole career. It’s directed by an internatio­nally-acclaimed director, and isa siyang bucket list entry na hindi ko alam na mati-take off ko pala,” masayang kuwento ni Shaina sa contract signing niya sa ABS-CBN 2 na kung saan pumirma siya ng dalawa pang taon sa kanyang home studio.

Okay na raw munang sa work siya mag-focus at saka na raw ang lovelife. Nagtataka nga raw siya kung bakit kinukulit pa ng karamihan kung magiging sila ni Piolo Pascual. Wala naman daw sa isip niyang magiging sila ng Kapamilya hunk actor. “Maraming nagsasabing mga tao na parang bored na sila, Sabi ko nga mas impatient pa ang mga tao kesa sa akin.

“I guess ganun eh. Lahat tayo dumadaan sa journey na self-healing, and you’ll know na when you’re ready and when you’re ready, you just have to wait.

“So I’m just waiting for the right one for me. Again, I don’t wanna rush,” pahayag nito.

PAK: Walang balak si Regine Velasquez-Alcasid na lumipat ng istasyon, dahil masaya naman daw siya sa kalagayan niya ngayon sa GMA-7.

Pinagbigyan nga raw siya ng Kapuso network na mabakante nang matagal-tagal dahil wala siyang ibang ginagawa bukod sa Sarap Diva. Ngayon ay nadagdagan ng Full House Tonight na sa Sabado, February 18 na ng gabi magsisimula. “I like working with GMA because I’m given all these privileges. Kung happy ka naman where you are, why change it ‘di ba?” saad ng Songbird.

Marami kasi ang nagtatanong sa kanya kung balak ba niyang samahan si Ogie Alcasid sa ABS-CBN 2. Wala raw sa isip niya sa ngayon, at baka mag­kasawaan pa sila dahil magkasama na nga naman sila sa bahay.

Masaya raw siya ngayon sa kanyang asawa dahil nakikita niyang sobrang happy nito sa Kapamilya network. “I’m happy kasi medyo matagal din siyang hindi napapanood sa telebisyon.

“Nakakatawa kasi parang inspired na inspired siya ngayon. Inspired siya na sumulat ng kanta, inspired na inspired na magpatawa kasi feeling ko, naipon, kasi parang ako lang ang pinapatawa niya.

“Nakakatawa siya minsan kasi sabi niya; ‘hon may fans ako, nag-trending ako,” masayang kuwento ni Regine.

Kaya okay na raw na sa GMA-7 siya, at sa kabilang istasyon naman ang kanyang asawa.

BOOM: Hindi na magtataka si Jessy Mendiola kung sosorpresahin siya ni Luis Manzano sa darating na Araw ng mga Puso. Si Luis daw kasi ang mahilig sa surprises. “Siya kasi ‘yung kapag may celebration, biglang may naka-set up meron nang regalo,” napapangiting pahayag ni Jessy nang mag-renew ito ng kontrata sa ABS-CBN 2.

Pero wala naman daw silang balak na gawin sa Valentine’s Day kundi  mag-dive dahil ito raw ang nakahiligan nila sa ngayon. “Mag-dive kami. ‘Yun lang naman ang puwede naming gawin kasi busy siya ngayon. Nag-plan kami ng mabilisang celebration, and saan pa ba ang pinakamalapit, eh beach. Ang hilig namin eh,” pakli ni Jessy.

Marami raw silang dapat ipagpasalamat sa ngayon dahil tingin niya wala nang kanegahan at nasaid na ang mga pamba-bash at kahit ano’ng kanegahan noong nakaraang taon. “Iniwan na namin last year. Kumbaga new start, new year, new goals,” very positive na pahayag ng Kapamilya young actress.

Show comments