Naipundar nasimot sa bisyo, female personality malapit nang pulutin sa kangkungan

Lahat ng bagay sa mundo, sa pagdaraan ng panahon, ay numinipis. Buhok, kilay, gulong ng sasakyan, mga tagahanga at pati bulsa ay numinipis din.

Kahit makapal na laman ng libreta de banko ay numinipis kapag palaging withdrawal ang nangyayari at walang kapalit. Unti-unting nababawasan ang mga zero, paunti nang paunti ang halaga, hanggang sa masaid na talaga.

‘Yun ang naging paksa sa isang umpukan nu’ng minsang parang parking lot ang mga kalye dahil sa sobrang trapik. Hindi gumagalaw ang mga sasakyan, malakas ang ulan, kaya nagkape-kape na lang muna ang mga taga-showbiz habang naghihintay ng pagtila ng pag-iyak ng langit.

Sabi ng isang source sa grupo, “Wala nang tatalo pa sa tindi ng salaping dumaan sa mga palad ni ____(pangalan ng isang female personality na sumikat at yumaman). Milyun-milyon, kundi man daan-daang milyones ang dumaan sa mga kamay niya.

“Isang kaway lang niya, milyones na ang katapat na talent fee, dalawang kanta lang niya, milyunan din ang ibinabayad sa kanya! Ganu’n kakapal ang bulsa dati ng babaeng ‘yun!

“Pero hindi niya naalagaan ang finances niya, one day millionaire kasi ang babaeng ‘yun, akala niya, e, palaging fiesta! Bulagsak na nga sa pera, e, nagbisyo pa siya.

“Ayun, nalagas ang pera niya, halos wala nang natitira sa kanya, kaya kapos na kapos siya ngayon at natitikman na niya ang sobrang pangangailangan. Matinding-matindi ang pangangailangan niya ngayon, sa totoo lang!” kuwento ng unang source.

Sabi ng ikalawang impormante, “Nakakagulat nga, nalaman ko na ilang buwan na pala siyang hindi nakababayad sa tinitirhan niyang condo unit. Super-delayed na ang payment niya, kaya kinausap na siya ng management na maghanap na ng malilipatan niya.

“Dati, e, palipat-lipat din siya ng house, pero ‘yun, e, dahil bili siya nang bili ng properties, hindi katulad ngayon na kailangan na niyang lumipat dahil wala na siyang pambayad sa upa.

“Haaaay, naku! Kasi naman, inuuna pa niya ang mga granatsa niya at bisyo bago ang mga obligasyon niya! Ayan tuloy, baka isang araw, e, maging iskuwakwa (read: squatter) na siya!” pagtatapos ng ikalawang source.

Ubos!

Bashers ni AiAi sapaw ng kanyang fans

Natural, dahil sikat na sikat si AiAi delas Alas ay binibigyan siya ng atensiyon ng mga bashers, hindi naman kasi namba-bash ang mga ‘yun ng mga artistang La Ocean Deep na.

‘Yung mga sikat lang ang kanilang pinapansin, ‘yung mga sumisipa lang ang career, ‘yung mga napapanahong artista lang at hindi ang mga nilipasan na ng panahon.

Kahit anong salita ang i-post ni AiAi sa kanyang IG account ay siguradong may mabubulabog. Kahit gaano kaganda ang kanyang intensiyon ay siguradong may kokontra sa Philippine Comedy Queen dahil ‘yun ang uso ngayon.

‘Yun na ang in, ang pamba-bash ng mga sikat na personalidad, hindi ka raw in kapag hindi ka nagpakanega sa pamimintas-pang-uupak sa mga artistang nasa ituktok ng tatsulok ng showbiz.

Ngayon lang namin nalaman na ang nagbabantay pala sa social media account ni AiAi ay ang kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan. Bukod sa kanyang panganay na si Sancho Vito ay nakikisilip din ang pa-graduate nang estudyante ng La Salle na karelasyon ng reyna ng komedya.

Pero hindi maepal si Gerald, nakikibasa lang ito, naaaliw lang ang binata habang binabasa ang mga upak sa kanyang girlfriend. Natural, hindi ito naniniwala sa kanyang mga nababasa dahil kilalang-kilala na nito ang kanyang karelasyon, magtatatlong taon na silang magkasama ngayon.

Pero panalung-panalo si AiAi sa kanyang post nang batiin niya ang kanyang darling na malapit nang tumanggap ng diploma sa kursong Sports Development sa La Salle.

Ang dami-daming nakipagsaya kay AiAi, maraming nag-like sa kanyang pagbati kay Gerald, ang ibig sabihin lang nu’n ay mas marami pa rin tayong kababayang positibo at iwas-nega.

Show comments