Pinakamalaking swing sa mundo, binuksan sa Russia

BINUKSAN sa publiko kamakailan ang pinaka­malaking swing sa mundo.

Ang swing, na nasa Sky­park AJ Hackett Sochi Adventure Park sa Sochi, Russia, ay may habang 170 metro.

Siguradong hindi ito para sa mga may takot sa matataas na lugar dahil nakasabit ang swing sa taas ng isang ba­ngin na may lalim na 1,640 talampakan.

Hanggang 507 pounds ang kayang kargahin ng swing at £90 (mahigit P6,300) ang bayad sa pagsakay. Puwede ring dalawa ang sumakay at ang bayad ay £130 (mahigit P9,200).

Magsisimula ang kakaibang karanasan ng mga sasakay sa higanteng swing sa pamamagitan ng pag-akyat sa pinakamahabang suspension bridge sa mundo na may taas na 1,440 na talampakan. Mula sa taas na iyon ay saka sasakay ang mga pasahero sa swing. Saka naman sila duduyan sa taas na 1,640 talampakan upang makatawid sa kabilang panig ng bangin.

Ipinagmamalaki ng mga nagpapatakbo ng swing na para na rin daw naranasan ng mga sumasakay sa swing nila ang lumipad dahil sa taas nito at sa layo ng naaabot ng pagduyan nito.

Napakabilis din ng pagsakay sa swing dahil ang pagduyan nito ng layong 500 metro ay inaabot lamang ng ilang segundo. Kaya naman nakakailang balik ang ilang nakasubok na upang maulit ang karanasan sa pagsakay sa pinakamalaking swing sa mundo.

Show comments