N OONG nakaraang buwan, ipinagdiwang ang National Children’s Month. Nakatadhana ito sa Presidential Proclamation No. 267 na nilagdaan ni President Fidel V. Ramos noong 1993. Nakasaad sa Section 13, Article II ng Constitution ang kahalagahan ng mga bata sa pamilyang Pilipino.
Pero tila hindi nabibigyang halaga ang mga bata ngayon lalo na ang mga kawawang palabuy-laboy sa mga kalsada. Hinahayaan na lamang sila at wala nang aksiyong ginagawa para kanila. Sa kasalukuyan, parami nang parami ang mga palaboy at tila walang magawa ang pamahalaan kung paano maisasaayos ang kalagayan ng mga ito. Ngayong papalapit ang Kapaskuhan, inaasahan nang dadagsa pa sa kalye ang batang palaboy para mamalimos o mamasko. Karamihan sa kanila ay nasa bingit ng panganib sapagkat maaaring masagasaan sa pagbaba sa dyipni o kaya’y sa pagtawid sa kalsada.
Pero may mga nagsasabi na ang mga batang palaboy ay dati nang dinala sa mga shelter na pinatatakbo ng local government pero tumakas sila sapagkat hindi rin nila matagalan ang masamang kondisyon sa shelter. Para umanong nasa “concentration camp” ang mga batang palaboy na dinala sa shelter. Mas gugustuhin pa umano ng mga bata na lumaboy sa kalye kaysa sa shelter sapagkat parang nasa impiyerno sila.
Isa sa mga inireklamong shelter ay ang Manila Reception and Action Center (RAC) na nasa Villegas St., Ermita, Manila. Hindi raw makatao ang pagtrato ng mga nasa shelter sa mga batang dinadala roon. Lalong tumibay ang masamang pagtrato nang kumalat sa internet ang larawan ng isang bata na tinawag na si “Frederico” noong nakaraang Oktubre. Sa larawan ay makikita ang buto’t balat na si “Frederico” habang nakahiga sa semento sa loob ng RAC. Mistulang pinabayaan ang bata sa pagkakahiga at wala itong damit.
Ayon pa sa report, nirereklamo ng ilang bata sa RAC ang kalupitang ginagawa sa kanila ng mga staff doon. Mayroong ginugulpi. Pinababayaan din daw ang bullying. Mistulang bilangguan para sa kanila ang manatili sa RAC na bukod sa kalupitang dinaranas ay nagdaranas din ng gutom.
Marami raw beses nang inireklamo kay Manila Mayor Joseph Estrada ang mga nangyayari sa RAC pero wala pa ring aksiyon. Ano naman kaya ang ginagawa ng Department of Social Welfare and Development? Maawa naman sa mga batang kapuspalad. Huwag sana silang pabayaan.