‘Kapitbahay kong Kapre!’

MALALAKING ugat na gumagapang pailalim. Sangang may malalagong dahon na naglaylayan. Katawang hindi na kayang mayakap ng magkabilang braso.

Ganito isinalarawan ni Agnes “Leng” Kusumi ang puno ng manggang lumusot na sa kanilang bakod at unti-unti ng luma­lamon sa kanilang bahay sa Concepcion Subdivision, Marulas, Valenzuela City. “Ayaw nilang tanggalin ang puno dahil may nakatirang kapre. Magtatabas lang daw sila kapag dinaan sa ligal,” sabi ni Leng. Bunso sa tatlong magkakapatid na ‘Chua’ si Leng. ‘Chinese National’ ang kanyang amang si Tonyan Tan Chua, Pinay naman ang kanyang inang si Cristita. Pagbebenta ng Mahjong table sa Ongpin ang negosyo nila. Sa Marulas, Valenzuela lumaki sina Leng. Puro Chinese silang nandun sa kalyeng iyon maliban sa katabi nilang bahay na Pinoy ang nakatira. “Isa sa kababata ko si Johnson Tan… may-ari ng Chinese Temple katabi ng bahay namin,” sabi ni Leng. Bata pa lang sina Leng madalas na silang maglaro sa labas ng Temple. Kapansin-pansin na nun ang mga halaman at puno sa loob.

“Naalala ko pa yung amoy ng puno ng calachuchi malapit sa pader ng bahay, kapag tagsibol talagang amoy na amoy,” kwento ni Leng. Sa edad na 20 anyos napetisyon ang dalawang kapatid ni Leng sa America at dun na nagkapamilya. Si Leng naman nang makatapos ng hayskul ay nagpunta sa Japan kasama ang kanyang grupong mga ‘singer-performer’. “Hilig ko  talaga ang pagsasayaw nun pa. Kaya nagbuo kami ng grupo. Apat na dancers at isang vocalist at magkasama kaming nagtrabaho sa isang club sa Saitama Ken,” kwento ni Leng. Dito niya nakilala ang 23 anyos na si Takasitiro Kusumi isang Chemical Engineer. Edad 19 si Leng ng ikasal sila. Nagkaroon sila ng dalawang anak. Mula ng umalis sa Pinas sina Leng at dalawang kapatid, isang beses sa isang taon sila magbalikbayan hanggang mapetisyon na rin ng mga kapatid ni Leng sa Amerika ang inang si Cristita. Mula nun naiwan na ang bahay nila sa Valenzuela sa kanilang kamag-anak. Sa pinsan ng kanyang inang si Visit Cantones.

Overseas Filipino Worker (OFW) itong si Visit at madalas din nasa labas ng bansa kaya’t sinabi niya sa pamilya Chua na ipabantay na lang ang bahay sa pamangkin niyang si Dennis Cong­son, nasa edad 35 anyos — taga Ormoc. “Alaga namin ang bahay. Pina-renovate pa namin nung 1900’s,” aniya. Ang dating ‘bungalow’ na bahay ng Chua sa loob ng kanilang lupa na may lawak na 230sqm, ginawa nilang dalawang palapag at nilagyan ng dalawang kwarto sa itaas.

Taong 2000, nang magsumbong si Dennis kay Cristita tungkol sa luma­laking puno ng mangga sa kaliwang bahagi ng kanilang pader na nakatanim sa loob ng bakuran ng Chinese Temple.  Dumikit na ang katawan ng puno sa pader ng templo at lumusot sa kanila. Sinabi ni Dennis kina Johnson Tan — noo’y pari na ng temple, ang pinsalang dinulot ng kanilang punong mangga, agad namang pinasimento nila Johnson ang pader subalit wala namang nakapigil sa patuloy na pag­laki ng puno. Kinamatayan na ng ina nila Leng ang problemang ito, wala pa rin daw nangyari.“Buhay pa ina ko at ang ama nila Johnson, ang dating pari ng templo pinakiusapan na silang bunutin ang puno pero ’di nila sinunod,” sabi ni Leng. Hindi tumigil ang magkapatid na Chua na maresolba ang problemang ito. Hulyo 2013, nagreklamo na mismo sa barangay ang ate ni Leng na si Beth. Binigyan na sila ng Certificate to File Action (CFA) nung ika-27 ng Agosto subalit wala naman daw kinahinatnan ang reklamo nila. Enero 2014, kumunsulta sila sa Prosecutor’s Office at sinabing dumiretso na sila sa Mayor’s Office o Engineering Department. Nagpunta na rin sila sa Department of Natural Resources (DNR) subalit wala rin umanong naging aksyon dahil pina­balik din sila sa Mayor’s Office o Chief of Engineer Office kaya’t dun na sila nagpunta.

Ika-31 ng Enero 2014, natanggap nila ang sulat kung saan sinasabing nadala na ang kanilang problema sa City Building Official. Pebrero 2014, nagreklamo na sila sa City Hall at nagpadala naman ito ng mga tauhan para putulin ang puno subalit ang gusto ng mga ito idaan muna sa brgy. ang lahat para makakuha sila ng ‘permit’ bago galawin ang puno. Nagkaroon naman ng aksyon dito subalit dumating sa puntong hindi na umano hinaharap sila Leng nila Tan at sa telepono na lang nila ito nakakausap. “May nakatira daw sa puno ng mangga. Kapre daw… yun ang paniniwala nila… Ako mismong nakatira wala naman akong nakikita. Ang sagot sakin ni Johnson, ‘baka gusto ka nila’…” wika ni Leng.

Pakiramdam ni Leng dinadahilan na lang nila Tan na may masamang ele­mentong tumitira sa punong mangga. Taong 2011 daw nang alukin siya ni Johnson na bilhin na lang ang kanilang lupa’t bahay. Apat na milyong piso ang napagkasunduan nilang bayad. Dahil nasa pangalan ng inang si Cristita ang lupa, hiniling umano ni Johnson na ilipat sa pangalan nilang tatlong magkakapatid ang titulo. Taong 2013, usapang bilihan na subalit nagbago umano ang isip nito at ’di na natuloy ang bentahan. “Gusto ko lang matirahan ang bahay. Pero kahit ako takot ng gumamit ng kwarto. Ni ’di ko na magawang buksan, baka may sawa na dun,” ani Leng. Maliban sa nagla­lakihang ugat na sumira na sa pader, problema niya ang mga insektong gumagapang sa loob ng bahay, mula daw sa higanteng puno. Hulyo 2014 umuwi ulit ng Pinas si Leng subalit hindi na niya binisita pa ang kanilang bahay. “Makita ko pa lang yung puno ng mangga halos lamunin na ang bahay namin nai-stress na ako,” ani Leng.

Ito ang dahilan ng pagpunta ni Leng sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may tinatawag na mga  karapatan kapag tahanan ang pinag-uusapan, right to sunlight, easement at right of way. Dahil natatabunan na ng punong mangga ang bahay nila Leng maari siya pumunta sa engineering office ng munispyo at hilingin na tabasin ang mga sangay at dahon ng puno na lumalampas na sa bakod at nakakasagabal sa kanilang lupa.

Bilang tulong ni-refer namin si Leng kay Mayor Rex Gatchalian para umaksyon ang kanyang engineering department. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

Show comments