Pagpapapayat ng bagong panganak

HINDI sa pagmamayabang, maraming magagandang komento sa mga litrato ko sa aming bakasyon sa Misibis. Karamihan sa komento ay tungkol sa aking pangangatawan, na para bang hindi ako nanganak. At nais kong bigyan ng payo at tips ang mga inang kapapanganak pa lamang o manganganak na kung ano ang gagawin upang maibalik ang dating balingkinitang katawan.

1. Mag-breastfeed. Nasa 800-1000 calories kada araw ang naba-burn sa pagpapadede. Ito rin ang pinakamabisang paraan upang lumiit ang tiyan. Sa pagpapadede ay nagko-contract ang uterus at mas mabilis itong babalik sa dati niyang laki. Isang buwan pa lamang akong nagbi-breastfeed ay bumalik na ako sa aking dating timbang bagamat lawlaw pa rin ang aking tiyan at bumalik lamang sa dating pagkahapit nito noong tatlong buwan na si Gummy.

2. Enjoyin ang pagpupuyat. Ang puyat ang isa sa pinakamabilis na paraan upang pumayat. At bagamat hindi healthy at nakakainit ng ulo ang kulang sa tulog, isipin na lamang na ikapapayat ito. Lalo na kung napupuyat dahil sa pagpapadede.

3. Iwasan and junk food at hindi masustansiyang pagkain. Hindi lamang para sa katawan, kundi lalo na para sa anak na pinadedede. Isang rule na dapat tandaan sa nagpapasuso — your child eats what you eat. Kaya kapag kumain ka ng walang sustansiya ay wala ring sustansiya ang dededein niya. Dahan-dahan din sa matatamis at caffeine dahil apektado ang kanilang behavior. Kapag labis ang iyong kape ay magiging iritable at hindi makatulog ang bata. Kapag sobra naman ang tsokolate ay maha-hyper siya.

4. Maghele nang maghele. Kahit nakakangawit dahil ito ang pinakamainam mong free weights exercise. Mabilis na liliit ang iyong braso. At kapag lumalakad at tumatakbo na ang anak mo, ang paghabul-habol mo ay cardio naman.

5. Mag-water therapy. Inumin and daily requirement na walong basong tubig o dalawang litro. Maraming benepisyong dulot ang pag-inom nang maraming tubig.

6. Subukan ang mga maka­bagong uri ng workouts at pag-eehersisyo ngayon. Luma na ang pa-treadmill-treadmill lang. Mas maganda ngayon kung tatakbo ka talaga. May mga boutique type gyms din —ang mga maliliit at tila walang laman na gym. Panay dumbbells, kettle bells, medicine balls at lubid lang ang laman ng mga ito — walang machines. Maiikli ang workouts pero kasing epektibo ng dalawang oras sa mga dating uri ng gyms. Sa 360 Fitness Club sa Timog ako pumupunta dahil malapit sa amin at kahit 30 minutes lang ang workout ko na circuit training ay solve na solve ako! Nararapat na iba-ibahin ang mga uri ng ehersisyo upang hindi masanay ang katawan at tumigil ang effect sa muscles.

7. Huwag ma-stress! Alam n’yo bang kapag stressed, nagla­labas ang katawan ng cortisol, ang stress hormones na responsable sa pag-imbak ng taba sa tiyan? Kaya kung mag-eehersisyo huwag mainip sa resulta. Magpahinga dahil doon nagaganap ang muscle formation.

8. Kumain ng tama. Siyempre kahit anong ehersisyo pa ang gawin mo kung hindi naman tama ang iyong kinakain ay balewala rin ito. Tikman ang lahat ng nais mo pero huwag abuso sa dami.

Sundan ako! abettinnacarlos.wordpress.com/twitter at instagram: @abettinnacarlos

 

Show comments