MANILA, Philippines — Umapela ang mga residente at mga motorist sa lalawigan ng Quezon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ayusin ang mga lubak-lubak na kalsada sa kahabaan ng Maharlika Highway sa bayan ng Pagbilao sa nasabing lalawigan.
Reklamo ng mga residente, ilang taon na silang nagtitiyaga sa malalalim na lubak partilular na sa Brgy. Malicboy bago dumating ng zigzag o mas kilala bilang Bitukang Manok.
Maliban dito, marami rin sira-sirang kalsada o daan sa Brgy. Malicboy, Pagbilao na nagdudulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Nabatid na ang nasabing lugar ay sakop ng Distrito 1 ng Quezon na nasa hurisdiksyon ni Congressman Mark Enverga. Subalit dahil hindi naman dito ang daanan patungo sa distrito ni Enverga at hindi ito napagtutuunan ng pansin.
Ang Brgy. Malicboy, Maharlika Highway ay ang pangunahing kalsada na daanan ng mga sasakyan at truck patungong Distrito 4 o mga bayan ng Atimonan, Gumaca, Lopez at hanggang sa mga lalawigan sa Bicol at Samar.
Umapela naman si Quezon Governor Doktora Helen Tan sa DPWH na agad ayusin ang mga bako-bakong kalsada dahil lubhang nakakaapekto na ito sa pang-araw araw na buhay ng mga residente at maging sa turismo dahil sa napakahabang traffic na sinusuong ng mga commuters.