Tutol sa pagsunog sa gamit ng ina
MANILA, Philippines — Dahil sa pagtutol na sunugin ang mga gamit ng kaniyang ina, nabaril at napatay ng isang retiradong sundalo ang anak nitong lalaki matapos ang mainitang pagtatalo sa Brgy. San Guillermo, San Nicolas, Ilocos Norte nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang suspect na si Fermin Cabbat Jr., 58- anyos, na nagretiro sa serbisyo sa Armed Forces of the Philippines, may ilang taon na ang nakalilipas.
Idineklara namang dead-on-arrival sa pagamutan ang anak nitong si Jovanie Fer Cabbat, 25-anyos, matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa report ng Ilocos Norte Police, inabutan ng biktima ang kaniyang ama na inilalabas ang mga naiwang gamit ng kaniyang ina sa kanilang tahanan at sinusunog ito sa kanilang bakuran.
Dahil dito, tinangkang pigilan ng biktima ang ama na huwag sunugin ang gamit ng kaniyang ina at dito na sila nagkaroon ng mainitang pagtatalo.
Sa tindi ng galit ng anak ay sinuntok nito sa mukha ang kaniyang ama. Dahil dito, agad na pumasok sa kuwarto ang ama at kinuha ang kaniyang nakatagong baril saka walang habas na pinagbabaril ang anak.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang nakbabatang Cabbat pero nabigo nang maisalba pa ang buhay nito.
Nasakote naman ng mga nagrespondeng pulis ang amang nakapatay sa anak habang narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala ng cal. 5.56, dalawang magazine ng cal 5.56 at dalawang magazine ng cal 7.62 pero nabigong marekober ang nasabing mga armas.