MANILA, Philippines — Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng isang 19-anyos na college student dahil sa trahedyang sinapit nito nang tamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong Taon sa Panabo City.
Sa ulat ng pulisya, ang biktima na kinilalang si Jade Sumambot, 2nd year college student, residente ng Barangay New Visayas, Panabo City ay nasapol ng bala sa noo habang nasa labas umano ng kanilang bahay at kasama ang pamilya na nagdiriwang ng New Year’s Eve.
Agad na dinala sa ospital si Sumambot pero binawian din ng buhay nitong Enero 2.
Ayon kay Col. Alex Serrano, provincial commander ng Davao del Norte Police, pumayag ang pamilya ng biktima na isailalim sa otopsiya ang bangkay ni Sumambot dahil nakabaon pa sa noo nito ang bala na isang vital evidence upang malaman kung anong klaseng baril ang ginamit sa krimen at sino ang nagmamay-ari nito.
Ang nasabing insidente, humihingi ng katarungan ang pamilya at mga kaibigan ng biktima at hiniling na ipatupad ang gun control measures at accountability.
Patuloy ang pagsasagawa ng pulisya upang matukoy ang namaril at hiniling sa mga nakasaksi na lumabas at magbigay ng impormasyon sa insidente.