MANILA, Philippines — Hindi na umabot sa pagsalubong sa Bagong Taon ng 2025 ang isang mister na naghain ng petisyon sa Comelec laban sa mga flying voters sa Pualas, Lanao del Sur matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa mismong araw ng Pasko sa nasabing bayan, ayon sa naantalang ulat nitong Sabado.
Kinilala ang nasawing biktima na si Zainodin Sarip Guro, dead on the spot sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa report ng Lanao del Sur Police, ang biktima ay patungo umano sa simbahan para magsimba sa pagdiriwang ng kapaskuhan nang mangyari ang insidente.
Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at tinapatan ang biktima saka pinagbabaril.
Ang biktima ay nasapol ng mga tama ng bala sa katawan na siya nitong agarang ikinamatay.
Sa pahayag ng pamilya ni Guro sa mga awtoridad, walang kaaway ang biktima maliban na lamang sa isa siya sa mga lumagda sa petisyon laban sa umano’y flying voters sa Brgy. Tumarumpong ng bayang ito na inihain sa tanggapan ng Comelec sa kanilang lalawigan.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis ang mga basyo ng bala sa crime scene.