CAVITE, Philippines — Nasa 55 menor-de-edad ang pinaghuhuli dahil sa ilegal na pagpapaputok gamit ang kontrobersyal na “boga” sa ikinasang 24-oras na “Operasyon kontra Boga” ng pulisya, dito sa lalawigan, kamakalawa.
Umabot sa mahigit 100 piraso ng “boga”, isang paputok na gawa sa PVC pipe o tube, ang nakumpiska ng pulisya sa may 9 na bayan ng lalawigan sa loob lamang ng isang araw na operasyon ng pulisya.
Ginalugad ng Cavite Police ang lalawigan ng Cavite kung saan 55 na pawang menor-de-edad ang naaaktuhan na nagpapaputok gamit ang kontrobersyal na boga.
Edad 7 hanggang sa 15 ang mga nahuli na kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Municipal Social and Welfare Offcie at Department of Social Welfare and Development sa mga bayan ng Silang, Amadeo, Noveleta, Naic, Magallanes, Gen. Aguinaldo, Mendez, Rosario at lungsod ng Tagaytay.
Nakipag-coordinate na rin ang pulisya, MSWD at DSWD sa mga magulang ng mga naarestong mga menor-de-edad para sa kaukulang parusa na kakaharapin ng mga ito.