LUCBAN, Quezon, Philippines — Ipinagharap ng kaso ang isang barangay treasurer matapos na tangayin at gastusin ang perang pangsweldo sa mga barangay officials at mga manggagawa dahil umano sa pagkalulong sa online gaming kamakalawa sa Barangay 1 sa bayang ito.
Kasalukuyan ng tinutugis ang suspek na si alyas Jessa, may sapat na taong gulang at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Lucban PNP, alas-4:00 ng hapon noong December 17,2024 nang matuklasan ng barangay kagawad na chairman ng committee on budget and finance ang ginawang pang-uumit ng suspek ng pera ng barangay.
Inutusan umano ng kapitan ng barangay ang suspek na iencash ang mga tseke para sa honorarium at Performance Enhancement Incentives (PEI) ng mga barangay officials at mga appointed na mga manggagawa subalit ikinatwiran ng suspek na wala raw silang available na pondo para sa buwan ng Disyembre.
Bunsod nito ay agad na sinaliksik ng kapitan at ng barangay kagawad ang isyu at nagtungo sa Land Bank of the Philippines, Lucban branch at doon ay natuklasan nilang na-withdraw ng suspek na hindi nalalaman ng Sangguniang Barangay ang tatlong tseke na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P340,000.00 .
Sa pagsisiyasat ng pulisya na naging sugapa sa online gaming ang suspek at ito ang hinihinalang dahilan kung kaya’t nadispalko nito ang pera ng barangay.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 217 ng Revised Penal Code-Malversation of Public Funds ang suspek.