Baco, Oriental Mindoro nasa state of calamity

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Baco sa Oriental Min­doro sanhi ng matinding mga pagbaha ng dala ni Tropical Depression “Romina”.

Ito ay matapos na pagtibayin ng Sangguniang Bayan ng Baco ang deklarasyon ng state of calamity sa pamamagitan ng Resolution No. 290-2024 na naglalayong magamit ang emergency funds sa pagtugon sa mga binahang lugar.

Sa ipinoste ni Baco Mayor Allan Roldan sa Facebook account ng pamahalaang bayan, ito’y naglalayong matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong residente.

Ayon sa alkalde, halos lahat ng barangay sa kanilang bayan ay lumubog sa baha habang marami ang hindi na rin nakapasok sa trabaho dulot ng mataas na tubig.

Tinatayang nasa 4,300 pamilya o kabuuang 20,000 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha sa bayan ng Baco. Ilang mga lugar rin ang napilitan ng mamangka ang mga tao dahilan sa mataas na tubig baha.

Umapela ang alkalde sa pamahalaang panlalawigan at nasyonal, maging sa mga non-government organizations na tulungan sila sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong mga pamilya.

Nabatid na apekatdo rin sa pagbaha ang Naujan Victoria at Calapan City; pawang ng nasabi ring lalawigan.

Nasa blue alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) simula pa noong Disyembre 21 sanhi ng mga kalamidad.

Show comments