LUCENA CITY, Philippines — Patay ang driver ng isang passenger van at nasugatan ang kanyang 15 pasahero kabilang ang isang bata matapos silang bumangga sa center island ng Diversion road na sakop ng Barangay Domoit sa Lungsod na ito, kamakalawa ng madaling araw.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing driver na ang mga labi ay nakalagak na sa isang punerarya habang nilalapatan ng lunas sa Quezon Medical Center (QMC) ang 15 pasahero kabilang ang isang 6-anyos na bata.
Ayon sa imbestigasyon, galing sa Manila ang Nissan Urban van na minamaneho ng hindi pa nakikilalang driver at patungo ito sa Bicol Region lulan ang 15 pasahero.
Habang binabagtas ng van ang diversion road ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa tinumbok na banggain ang center island.
Dead-on-the-spot ang driver habang mabilis namang dinala sa nasabing ospital ng mga nagrespondeng tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang 15 pasahero na sugatan.