Trahedya sa pagsalubong ng Pasko
MANILA, Philippines — Pitong miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang menor-de-edad ang patay habang malubhang nasugatan ang kanilang driver nang mawalan ng preno ang sinasakyang L-300 van at bumangga sa puno hanggang sa patagilid na sumadsad sa gilid ng highway sa Masangyaw, Tupi, South Cotabato nitong hapon ng Lunes.
Sa ulat ni Emil Sumagaysay, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, ang mga biktima ay residente ng Cagayan de Oro City na nagbabakasyon sa Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang mga nasawi na sina Annabelle Maglinte, 52; mister na si Joel, mga anak na sina Joan, 28; Doque “Duke” Maglinte; Ike Maglinte at dalawang bata na 8 at 7-anyos, kapwa Grade school pupils.
Sa inisyal na ulat naman ng Tupi Municipal Police nitong Lunes ng gabi, ang mga biktima ay mga residente ng Cagayan de Oro City at patungo sana ng Polomolok, South Cotabato sakay ng Mitsubishi FB L-300 van upang doon na magdi-wang ng Pasko.
Nauna sa trahedya, ang mga biktima ay nagsagawa ng “wedding pictorial” sa Land of Praise, isang tourist site sa Tupi bago nangyari ang sakuna dakong alas-3 ng hapon habang bumibiyahe sila sa Brgy. Cebuano, Tupi.
Posibleng iniwasan umano ng driver na mahulog sa bangin ang van kaya isinalpok ito sa isang malaking puno sa tabi ng highway.
Nabatid na bumangga sa isang malaking puno ng narra ang sasakyan bago ito bumangga sa puno at lumagpak ng patagilid sa tabi ng highway, ayon sa mga barangay officials at mga emergency responders ng Tupi local government unit.
Posibleng iniwasan umano ng driver na mahulog sa bangin ang van kaya isinalpok na lang nito sa isang malaking puno sa tabi ng highway.
Ayon sa nakaligtas na driver ng van, bigla diumanong nagloko ang preno ng kanyang minamanehong sasakyan kaya hindi na niya nakontrol ang manibela sanhi ng aksidente.