LUPI, Camarines Sur, Philippines — Personal na tiningnan ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang sitwasyon ng trapiko na dating inaabot ng ilang kilometro, sa Rolando Andaya Highway ng Lupi, Camarines Sur kahapon ng hapon.
Lulan ng PNP helicopter, lumapag si PNP chief Marbil ng pasado ala-1 ng hapon sa Colacling National High School at kasama si Camarines Sur provincial director Col. Virgilio Olalia Jr., ay agad nagsagawa ng field visit sa naturang highway.
Dito nakita ni Marbil na hindi na masyadong mabigat ang daloy ng trapiko makaraang buksan na ng Department of Public Works and Highways regional office V ang isa pang lane na ilang linggong isinara dahil sa pagguho ng lupa sa ilalim ng kalsada makaraang malagyan na ng steel sheet pile at filling materials ang naukang malaking bahagi noong araw ng Linggo.
Dalawang lane ng highway ang bukas na sa mga motorista maliban sa ilang bahagi na nagkakaroon ng “stop and go” dahil sa ilang tambak ng lupa na nakabara sa isang lane.
Maraming pulis ang itinalaga sa kahabaan ng highway simula noong isang linggo para magbigay seguridad at siguruhing magiging mabilis ang usad ng mga sasakyan sa magkabilang lane lalo na ngayong marami ang magbabakasyon para humabol sa Pasko at sa Bagong Taon na karamihan ay pauwi ng Bicol, Visayas at Mindanao Regions.
Mula R. Andaya Highway dumiretso ang PNP chief sa Camp Gen. Simeon Ola at nakipag-usap kay Police Regional Office 5RO Brig.Gen. Andre Perez Dizon hinggil sa patuloy na pagtatalaga ng mga pulis sa naturang highway at iba pang mga pangunahing kalsada papasok at palabas ng rehiyon.
Tinalakay rin ng dalawa ang pagbibigay sa mga kasapi ng PNP ng service recognition incentives sa darating na Disyembre 26 na aabot sa P20,000 mula sa dating P7,000 lamang.