MANILA, Philippines — Sabog ang ulo ng isang mister nang barilin ng ‘di kilalang salarin habang nagpapa-carwash sa Taytay, Rizal kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilala lang sa alyas na “Jerry”, 47-anyos at residente ng Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Agad namang tumakas ang ‘di nakilalang suspek sakay ng isang pula at itim na Honda Click motorcycle, at inilarawang nasa 5’7” ang taas, katamtaman ang laki ng pangangatawan, nakasuot ng Angkas helmet, itim at puting long sleeves, itim na maong pants at pulang sapatos.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police, dakong alas-9:45 ng umaga nang maganap ang krimen sa isang garage carwash sa Manila East Rd., Brgy. San Juan, Taytay.
Base sa imbestigasyon, nakaupo lamang ang biktima sa isang silya sa naturang lugar at hinihintay na matapos ang malinis ang kanyang sasakyan nang maya-maya ay dumating ang suspek lulan ng motorsiklo at nagpanggap na kustomer.
Ipinarada pa umano ng suspek ang kanyang motorsiklo sa likuran ng biktima.
Nang makakuha ng tiyempo, kaagad nang bumunot ng baril ang suspek at binaril ang biktima sa ulo.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek, bitbit ang kalibre .9mm na ginamit sa krimen.