Animal border checkpoints sa Camarines Norte hinigpitan

PILI, Camarines Sur, Philippines — Mas lalong pinalakas ng Department of Agriculture Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Rodel Tornilla ang kanilang rapid response at control measures at pagbabantay sa mga inilatag na animal border control checkpoints matapos na maitala sa rehiyon ang pinakaunang kaso ng Avian Influenza nang magpositibo sa Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) H5N2 ang ilang inaalagaang itik o backyard ducks sa bayan ng Talisay, Camarines Norte.

Nitong Disyembre 15, isinaginawa ang pagkuha ng oropharyngeal swab samples sa 137-bilang ng mga itik, manok o avian species sa loob ng isang kilometrong radius mula sa deklaradong ground zero sa mga barangay ng San Nicolas, Binanuahan at San Francisco sa Talisay; Brgy. Awitan at Gahonon sa Daet; at Ginacutan sa Vinzons na lahat naman ay nag-negatibo sa HPAI H5N2.

Gayunman, mas pinalawak pa sa 7-kilometrong radius mula sa ground zero ang active surveillance ng ahensya upang masiguro na nababantayan ang lahat ng lugar laban sa Avian Influenza at nanawagan sa mga nag-aalaga ng itik, manok at iba pa na palakasin rin ang kanilang bio-security measures. Laging maghugas ng kamay matapos ma-expose sa anumang ibon at poultry. Kailangan umanong agad na mag-ulat sa kanila kapag naka-obserba ng kakaibang pagkakasakit o pagkamatay ng mga ganitong uri ng hayop.

Sa Albay, inihayag naman ng Provincial Veterinary Office sa pangunguna ni Dr. Pancho Mella na zero case pa sa H5N2 ang lalawigan pero hinigpitan na nila ang pagbabantay sa mga inilatag na border checkpoints at kahit ang mga LGU ay hinikayat na magkaroon nang mga programa para mapigilan na makapasok ang avian influenza sa kani-kanilang mga lugar.

Show comments