LUCENA CITY, Philippines — Sa mga susunod na school year ay maaari nang makapag-aral nang libre ang mga kwalipikadong residente ng lalawigan ng Quezon na nagnanais kumuha ng kursong abogasya.
Ito ay matapos lumagda kamakalawa sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa scholarship grant ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ni Governor Doktora Helen Tan at San Pablo Colleges, Inc. sa pamamagitan ni Atty. Vicente Joyas, Dean ng College of Law.
Nakapaloob sa nilagdaang kasunduan ang libreng matrikula, mga aklat at iba pang miscellaneous expenses ng sinumang magiging scholar para sa nasabing kurso.
Kaugnay nito, may mga pamantayan na kailangang mapanatili ng mag-aaral upang maging karapat-dapat sila sa naturang scholarship.