COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 19 pa na mga baril, kabilang ang isang .50 caliber machinegun, ang isinuko sa militar ng mga residente ng limang barangay sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Sabado.
Sa pahayag nitong Linggo ni Army Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, isinuko ang naturang mga combat weapons ng mga residente ng Dinaig Proper, Mompong, Linek, Badak, Kusiong at Tapian sa Datu Odin Sinsuat sa pakiusap ni Mayor Lester Sinsuat, ni Lt. Col. Lester Mark Baky ng 5th Marine Battalion, at ni Brig. Gen. Romulo Quemado II ng 1st Marine Brigade.
Katuwang ng 6th ID ang 1st Marine Brigade ng Philippine Navy sa pagpapatupad nito ng Small Arms and Light Weapons Program, o SALW Program, na mismong ang tanggapan ni Secretary Carlito Galvez, Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ang nagplano bilang suporta sa peace process ng Malacañang at ng Moro communities sa Mindanao.
Kabilang sa mga armas na isinuko ng mga residente ng Datu Odin Sinsuat nitong Sabado ang ilang mga assault rifles, bolt-action sniper rifles, mga shotgun, isang .38 caliber revolver, mga 40 millimeter grenade launchers at isang .50 caliber machinegun na nasa magkatuwang na kustodiya na ng 5th Marine Battalion at 6th ID.
Una nang magkatuwang na nakakolekta ng mahigit 60 na matataas na kalibreng baril, kabilang ang mga M60 machineguns at B40 rocket launchers, ang 5th Marine Battalion at ang 6th Civil Military Operation Battalion ng 6th ID, na pinamumunuan ni Lt. Col. Roden Orbon, mula sa mga residente ng Cotabato City na suportado ang SALW Program.