COTABATO CITY, Philippines — Dalawang hinihinalang drug dealers na umano’y namamahagi ng kita sa dalawang teroristang grupo sa Central Mindanao ang nakumpiskahan ng P170,000 na halaga ng shabu nitong Linggo ng gabi sa Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.
Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na nila ang mga suspek na sina Patrick Bitol at Rakim Dumamba na kapwa nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Macapaz, naaresto sina Bitol at Rakim ng mga tropa ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, na pinamumunuan ni Lt. Col. Samuel Roy Subsuban matapos silang bentahan ng P170,000 na halaga ng shabu sa Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang, sa isang entrapment operation na nailatag sa tulong ng mga local officials.
Ayon sa Ustadz o Islamic religious leaders na mga kamag-anak nina Bitol at Dumamba, ang mga suspek ay namimigay ng parte ng kanilang kita sa pagbebenta ng shabu sa ilang lider ng Dawlah Islamiya at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters upang malaya silang gumalaw sa mga lugar na may presensya ng naturang dalawang teroristang grupo.
Nasa isang pagamutan si Dumamba, na guwardiyado ng awtoridad dahil sa tama ng bala sa paa nang mabaril ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Police nang nagtangkang lumaban habang tumatakas.