6 pulis sangkot sa pagnanakaw sa ex-professor, tugis na

 

CAMP VICENTE LIM , Philippines —  Bumuo na ng isang tracker team ang pulisya upang tugisin ang anim na pulis na tinanggal sa serbisyo matapos masangkot sa pagnanakaw sa bahay ng isang dating professor sa Imus City, Cavite kamakailan.

Ayon kay Col. Geovanny Sibalom, regional chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Calabarzon, ang 6-man tracker team na pinamumunuan ni Lt. Col. Mark Jason Gatdula ay naatasan magsagawa ng provincial-wide operations laban sa anim na pulis na na-dismiss sa serbisyo.

Nabatid na binalewala ng mga akusadong pulis ang ginawang patawag ng National Police Commission para isuko o isumite ang kanilang mga sarili sa kahit anong Law Enforcement Units lalo na ang CIDG-Cavite.

“We were conducted a series of operations for possible areas, towns and hideouts by accused policemen, however, the operations was futile,” ani Gatdula sa pana­yam sa phone ng PSN.

Iginiit ni National Police Commission-Calabarzon regional director, Atty. Owen De Luna, na dapat na irespeto ng anim na natanggal na pulis ang kautusan ng korte at upang ma-exercise nila ang kanilang constitutional right bilang bahagi ng due process sa pagdinig ng kasong naisampa laban sa kanila.

Ang mga akusadong pulis ay nabigong dumalo sa court hearing nitong Disyembre 3, at na-reschedule ang pagdinig sa kaso sa Enero 28, 2025, dagdag ni De Luna.

Magugunita na naglabas si Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Zharone Frits Japzon-Ferreras ng arrest warrant dahil sa “planting of evidence” nitong Setyembre 24, 2024 laban sa mga akusado na kinilalang sina Police Staff Sergeants Jesus Alday, Julius Barbon at Emil Buna, Corporals Jenerald Cadiang at Lew Amando Antonio, at Patrolmen Reymel Czar Reyes at Rene Mendoza, pawang nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Imus City Police.

Karagdang kasong criminal gaya ng unlawful arrest, violation of domicile and planting of evidence ang naihain laban sa mga akusado.

Show comments