CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang isang mister habang ang misis nito ay sugatan nang sila ay pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek, naganap kamakalawa ng umaga sa Barangay Dita, Sta. Rosa City, Laguna.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Jose Cristobal Velandrez Jr, alias Jun, 63,habang ang misis nitong si Librada, 63, kapwa residente ng nasabing barangay ay nasugatan.
Ang suspek na nakasuot ng helmet at camouflage jacket ay mabilis na tumakas sakay ng kanyang motorsiklo.
Sa ulat, alas-4:00 ng madaling araw ay naghahanda ang mag-asawa ng lulutuing pagkain sa kanilang tindahan nang dumating ang nag-iisang suspek na armado ng baril at walang kaabug-abog na malapitang pinagbabaril ang una.
Nagsasagawa na ang pulisya ng imbestigasyon at nirerebyu ang ilang close circuit television camera video footage na nakakabit sa lugar sa posibleng pagkakilanlan ng suspek.