Manong Chavit nakisaya sa SumBingTik Festival 2024

Chavit Singson.
STAR/ File

CAINTA, Rizal, Philippines — Sa kabila ng paghahanda sa kanyang kampanya para sa bagong hamon sa public service, nakisaya si senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson sa selebrasyon ng SumBingTik Festival 2024 sa Cainta, Rizal.

Ang SumBingTik Festival na halaw sa mga sikat na produkto ng Cainta na suman, bibingka at latik ay ipinagdiriwang upang itampok sa buong mundo ang cultural at culinary heritage ng probinsya. At ngayong taon ay kasama si Manong Chavit sa mga nakiisa sa mga taga-Barangay Sto. Niño na mai-showcase ang likas na kagalingan ng mga taga-Cainta pagdating sa pagluluto ng mga kakanin.

Kasama si Manong Chavit, pinangunahan nina Cainta Mayor Elenita “Elen” Nieto at municipal administrator Johnielle Keith “Kit” Nieto ang float parade kung saan nagsuot ng traditional Muslim attire ang mga dumalo habang nakasakay sa mga magagarang floats, nitong nakalipas na linggo.

Si Manong Chavit, na nakasuot bilang Raja Sulayman, ang siyang panauhing pandangal at sumakay din sa isang napakamagarang float. Doon, ibinahagi niya ang kanyang mga adhikain sa Senado, gaya nang modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUV) sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na zero downpayment, zero interest at zero collateral sa mga drivers at operators.

Isinusulong din ni Manong Chavit ang transition sa paggamit ng electric vehicles gaya ng e-trikes, motorcycles at e-jeepneys.

“Handa akong magpautang at tumulong sa ating mga drivers at operators nang walang interes at walang downpayment dahil nais kong maisama sila sa pag-unlad,” saad ni Manong Chavit na Number 58 sa senate ballot.

Inilahad din niya ang kanyang programa na Chavit 500 - isang universal basic income proposal na naglalayong magbigay ng buwanang P500 sa mga minimum wage earners pababa at ang nalalapit na paglulunsad ng VBank na tutulong sa mga ordinaryong Pilipino na magkaroon ng access sa banking system sa bansa.

Bilang isang beteranong public servant, naikuwento ni Manong Chavit ang kanyang dedikasyon sa pagtulong gaya ng ginawa niya sa Ilocos Sur kung saan mula sa isa sa pinakamahirap na probinsya sa bansa ay naging pang-lima sa mga pinakamayamang probinsya.

Show comments