Videoke bar niratrat: 2 seaman patay, 1 pa sugatan!

Sa ulat ng Pasacao Police, dakong alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Frontview Videoke Bar sa Brgy Sta. Rosa del Sur ng nasabing bayan.
STAR/File

PASACAO, Camarines Sur, Philippines — Nauwi sa karahasan ang pagsasaya ng tatlong seaman na nagmula sa kadadaong lang na barko matapos silang paulanan ng bala ng isang gunman habang nag-iinuman sa loob ng isang kilalang videoke bar na ikinasawi ng dalawa, sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Pasacao Police, dakong alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Frontview Videoke Bar sa Brgy Sta. Rosa del Sur ng nasabing bayan.

Lumalabas na inatake ng hindi kilalang gunman sina Socrates Uy, 50, ng Calamba, Misamis Occidental; Roberto S. Cania, 58, at Godofredo C. De Austria, 42; pawang taga-Macrohon, Southern Leyte, habang nasa kasarapan ng kanilang inuman sa nasabing popular na local establishment.

Minalas na masawi sa pamamaril sina Cania at De Austria habang nakaligtas si Uy na nagtamo ng mga sugat sa katawan kaya agad na isinugod sa Bicol Medical Center para malapatan ng lunas.

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang tatlong biktima ay mga seafarers, kung saan pansamantalang nakadaong ang kanilang barko sa kalapit na Pasacao Port, sanhi upang sila ay pansamantalang lumabas at magtungo sa nasabing bar para magsaya.

Lumalabas na agad na tumakas sa naturang bar ang hindi kilalang salarin matapos ang ginawang pamamaril. 

Agad namang nagkasa ang pulisya ng hot pursuit operation laban sa suspek kasabay ng pangangalap ng SOCO ng mga ebidensya sa crime scene.

Nanawagan na rin ang pulisya sa mga nakasaksi sa insidente na makipagtulungan para sa ikareresolba sa kaso at upang matukoy at mapanagot ang suspek.

Show comments