COTABATO, Philippines — Arestado ang isang mister matapos niyang halinhinang pagtatagain ng itak ang sariling misis, biyenan at tiyuhin makaraang maburyong habang nasa kainitan ng pakikipag-away sa kanyang maybahay sa Barangay Cogon sa Digos City nitong madaling araw ng Biyernes.
Kinumpirma nitong Sabado ng Digos City Police Office at ng Davao del Sur Provincial Police Office na naka-detine na ang 34-anyos na suspek na agad namang naaresto ng mga barangay tanod at mga pulis na nagresponde sa insidente.
Ayon sa mga imbestigador ng Digos City Police at mga barangay officials, unang nataga ng ilang beses ng suspek ang kanyang misis na si Claire Ann Caña Reyes, 35-anyos, sa kalagitnaan ng kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang tahanan sa Laminosa Village sa Sitio Punta Biao sa Cogon.
Sinunod na tinaga ng suspect ng ilang beses ang kanyang biyenan na si Ronnie Baldomero Caña, 57-anyos, at pinsan nitong si Janrick Macaway Caña, 37-anyos, na nagtangka siyang awatin nang makita ang kanyang kabiyak na nakahandusay na sa sahig at duguan.
Ginagamot na sa Davao del Sur Provincial Hospital ang tatlong biktima na nagtamo ng malubhang mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.