MANILA, Philippines — Dalawa pang pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang habang narekober naman ang isa pang bangkay sa hot pursuit operations ng tropa ng militar laban sa komunistang grupo sa mga bayan ng Las Navas at Silvino Lubos; pawang sa Northern Samar nitong Biyernes ng hapon.
Sa report, sinabi ni Captain Jefferson Mariano, spokesperson ng 8th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, alas-3 ng hapon nitong Huwebes nang makasagupa ng 19th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga rebelde sa liblib na lugar sa Brgy. Victory, Las Navas.
Ang bakbakan ay nagresulta sa pagkamatay ng isang rebelde na inaalam pa ang pagkakakilanlan at narekober din ang isang M16 rifle na gamit nila laban sa tropang gobyerno.
Dalawang oras matapos ito, muling nakasagupa ng mga sundalo ang mga rebelde sa Brgy. Geparayan de Turag, Silvino. Lubos na ikinasawi ng isa pang rebelde. Pinaniniwalaan namang marami pa ang nasugatan sa hanay ng mga nagsitakas na rebelde base sa mga bakas ng dugo sa lugar na kanilang dinaanan.
Samantala, isa ring bangkay ng NPA rebel ang narekober mula sa pinangyarihan ng naunang sagupaan matapos abandonahin ng mga nagsitakas nilang kasamahan noong nakalipas na Disyembre 2 na ikinasawi ng anim na rebelde kabilang ang dalawang high ranking na lider ng grupo.
Ayon kay Mariano sa pagkakarekober ng isa pang bangkay na nakilala namang si Naldo Jarito, kasapi ng Eastern Visayas Regional Party Committee.
Bunsod nito, pumalo na sa pito ang napaslang sa naunang engkuwentro.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Major Gen. Adonis Ariel Orio, commander ng 8th ID sa mga nalalabi pang mga rebelde na magsibaba mula sa kanilang pinagkukutaan sa kabundukan at sumuko sa tropa ng pamahalaan.