Misis nabaril din pero nakatakbo
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyanteng sangkot sa buy and sell car deal at sugatan ang kanyang misis nang pagbabarilin sila ng nag-iisang salarin na nagpanggap na buyer sa loob ng kanilang sasakyan sa Dasmariñas City, Cavite noong Miyerkules ng gabi.
Ang biktimang si Edzcel Lumboy, 46, at residente ng Barangay San Lorenzo, Sta. Rosa City, ay natagpuang patay na may tama ng bala sa likod sa harap ng driver seat, ayon kay Lt. Col. Julius Balano, hepe ng Dasmariñas City police.
Bagama’t sugatan, ang asawa ni Lumboy na si Jackelou, 44, na nabaril din ng mga suspek, ay naiulat na nakatakbo sa labas ng kanilang sasakyan habang ang kanyang mister ay bumulagta sa loob ng kanilang sasakyan.
Isinugod si Jackelou sa Asia Medic Hospital matapos siyang humingi ng tulong sa mga tanod ng barangay.
Sinabi ng asawa ni Lumboy sa probers na ang kanyang asawa ay may transaksyon sa isang lalaki na nagpanggap bilang ahente para sa car deal sa pamamagitan ng social media account.
Dahil dito, nagsadya ang mag-asawa sa suspek sa Barangay Langkaan 1 noong Miyerkules bandang alas-8:30 ng gabi.
Pinaupo ang suspek sa kotse ni Lumboy sa likuran at inutusan ng salarin ang mag-asawa na tumuloy sa Asiungan area sa Barangay Langkaan 1 kung saan pinagbabaril ang mag-asawa.
Sinabi ni Balano sa Pilipino Star Ngayon sa pamamagitan ng telepono, na pagnanakaw ang posibleng motibo sa krimen matapos ang P400,000 cash na dala ng mag-asawa ay nawawala matapos tangayin ng mga suspek.
Sinabi ni Balano na natukoy na nila ang salarin matapos na positibong kinilala ng asawa ni Lumboy sa tulong ng screen shot na ginawa sa video call at mga larawan.
Nagsasagawa na ang awtoridad ng manhunt operation laban sa suspek na mahaharap sa robbery with murder at frustrated murder.