8 patay sa araro ng 10-wheeler truck

Ito ang 10-wheeler truck na nawalan ng preno at inararo ang mga sasakyan at kabahayan sa gilid ng highway ng Barangay Malasila sa Makilala, Cotabato,kahapon na ikinasawi ng walong katao kabilang ang truck driver.
John Unson

MANILA, Philippines — Patay ang walong katao kabilang ang truck driver matapos araruhin ng kanyang 10-wheeler truck ang bahay at sasakyan sa gilid ng highway sa Brgy. Malasila, Ma­kilala, Cotabato kahapon ng umaga.

Sa inisyal ulat ni Lt. Col. Rolly Oranza, hepe ng Makilala Municipal Police Station, alas-7:00 ng umaga ay nawalan ng preno ang truck na may kargang commercial fertilizers na minamaneho ni Leopoldo Ibañez, habang pababa mula sa mataas na lugar sa Barangay Malasila, kaya nito nasapol ang ilang sasakyan at mga bahay sa gilid ng highway.

Agad na namatay si Ibañez sanhi mga sugat na tinamo nito sa pagkakabangga ng kanyang truck sa mga malaking sasakyang at ilang mga bahay sa gilid ng highway.

Maliban kay Ibañez, pitong iba pa, kabilang sa kanila si Joey Pamplona, kanyang kabiyak na si Tina at kanilang anak na si Jeremiah na isang kindergarten pupil, ang nasawi sa aksidente.

Nagpadala na si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ng mga kawani ng kanilang Provincial Di­saster Risk Reduction and Management Office upang magpaabot ng inisyal na ayuda sa mga biktima ng aksidente.

Ayon kay Mendoza, inatasan na niya ang mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office na obligahin ang may-ari ng ten-wheeler hauler truck na tumulong sa pagpapalibing ng mga taga Barangay Malasila na namatay sa aksidente.

Show comments