TAYTAY, Rizal, Philippines — Patay ang isang hindi pa kilalang lalaki nang barilin ng kaalitan, sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal, Sabado ng umaga.
Inilarawan ang biktima na nasa 30-35 anyos, nasa 5’5-5’6 ang taas, nakasuot ng blue na pang-itaas, itim na shorts at pula ang sombrero.
Isang alyas “Robin” na residente ng lugar ang suspek na tinutugis ng pulisya.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-9:45 ng umaga ng Nobyembre 23 naganap ang pamamaril sa Sitio Sapang Gody, Brgy. San Juan, Taytay.
Itinawag sa police station ng isang security officer ng Techno Park ang nasaksihang pamamaril.
Agad namang rumesponde ang mga pulis na dinatnan pang humihinga kaya isinugod sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival.
Nang buhatin umano ang biktima ay nalaglag ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Sinabi umano ng saksi na nakita niyang nagtatalo ang biktima at suspek at kasunod na ang pamamaril bago tumakas ang suspek sa direksyon ng dump site sa Brgy. San Juan.
Kumakalap pa ng kuha ng CCTV ang pulisya na posibleng nakahagip sa insidente para sa ikadarakip ng suspek.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima at kung ano ang motibo sa pamamaslang.