COTABATO CITY, Philippines — Nasa malubhang kalagayan ang isang negosyanteng kandidato sa pagka-gobernador ng Sarangani province nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin nang pagkalabas nito mula sa isang simbahan para sa Christian worship sa Barangay City Heights, General Santos City nitong gabi ng Sabado.
Sa mga hiwalay na inisyal na ulat ng General Santos (GenSan) City Police Office at ng Police Regional Office-12, nagtamo ng mga tama ng bala sa tiyan si Atty. Gladen Selidio Lim, 48-anyos, na agad namang naisugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Si Lim, kandidato sa pagka-governor ng Sarangani, ay residente ng Alabel, isa sa mga bayan na sakop ng naturang probinsya.
Ayon sa mga barangay officials ng City Heights sa General Santos City, galing si Lim pasado alas-6 ng gabi mula sa isang Christian worship site sa Dacera Avenue at pasakay na sana sa sasakyan nang biglang lapitan ng isang armadong lalaking at agad pinaputukan ng .45 caliber pistol.
Ayon sa mga imbestigador ng General Santos Police, mabilis na nakatakas ang bumaril kay Lim gamit ang isang motorsiklo.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang bumaril kay Lim at kung ano ang motibo nito sa pagsagawa ng naturang krimen.