Catanduanes pinadapa ni super typhoon Pepito!

This handout photo released on November 17, 2024 through the courtesy of John Marshal Aquino Facebook page shows residents walking past destroyed houses in Panganiban town, Catanduanes province, after Super Typhoon Man-yi hit the province.
AFP / John Marshal Aquino

Higit 1 milyong katao apektado sa Bicol, mga kabahayan nawasak

VIRAC, Catanduanes , Philippines — Hindi malaman ng mga residente ng Catan­duanes kung papaano babangon at magsisimula matapos na hindi lang ang kanilang mga bahay at istablisimiyento ang pinadapa ng super typhoon (ST) Pepito kundi pati na ang kanilang kabuhayan dahil sa kabi-kabilang pinsalang idinulot ng bagyo.

Hanggang kahapon ng hapon ay wala pang ulat na natatanggap ang Office of Civil Defense 5 sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot hinggil sa danyos ng naturang lalawigan habang abala pa ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa pangunguna ni Gov. Joseph “Boboy” Cua sa clearing operations upang mapuntahan at makapagsagawa ng assessment ang lahat ng lugar na grabeng sina­lanta ng bagyo.

Ang Catanduanes ang pinakatinamaan ng bagyong Pepito makaraang ihayag ng PAG­ASA na nasa ilalim ang lalawigan sa Signal No. 5.

Pinakanapuruhan ng bagyo ay ang mga bayan sa tabi ng dagat gaya ng Virac, Viga, Bato, Bagamanoc at iba pa na halos lahat ng bahay sa baybayin ay winasak habang ang mga malalaking istablisimiyento ay natuklap ang mga bubong.

Karamihan ng mga lugar ay hindi pa napupuntahan dahil sa mga landslides at naghambalang na mga tumumbang punongkahoy, kawad ng kuryente at poste. Maraming mga bahay at pananim ang sinira habang nawalan ng kuryente ang buong lalawigan at pahirapan pa ang signal ng internet.

Sa ulat naman ni Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD)-5, umaabot na sa 262,680 pamilya o 1,058,221 indibiduwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Pepito sa buong Kabikolan.

Patuloy ang pagsasagawa ng clearing operations ng mga tauhan ng DPWH, Catanduanes PPO, BFP, AFP at lokal na pamahalaan sa mga kalsada na natabunan ng landslides at nagbagsakang mga puno upang madaanan.

Show comments