Dalagang guro kinatay ng BF, iniwan sa kalsada!

Agad nakaresponde kasama ng mga pulis makaraang may mag-report sa natagpuang patay na babae sa kalsada dakong alas-12:15 ng tanghali si Mayor Joseling Aguas Jr., at nag-utos sa mabilis na imbestigasyon hanggang sa makilala ang biktima na si alyas “Daria”, isang guro ng Bonga National High School at residente ng Brgy. Bonga, Bacacay, Albay.

Suspek, dati nang pumatay ng estudyanteng nobya...

STO. DOMINGO, Albay, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 25-anyos na dalagang guro matapos na pagsasaksakin at iniwang duguan sa kalsada ng kanyang boyfriend na dati na ring pumatay ng estudyanteng nobya, sa Purok 7, Brgy. Sta. Mise­ricordia ng bayang ito, kamakalawa ng tanghali.

Agad nakaresponde kasama ng mga pulis makaraang may mag-report sa natagpuang patay na babae sa kalsada dakong alas-12:15 ng tanghali si Mayor Joseling Aguas Jr., at nag-utos sa mabilis na imbestigasyon hanggang sa makilala ang biktima na si alyas “Daria”, isang guro ng Bonga National High School at residente ng Brgy. Bonga, Bacacay, Albay.

Noong una ay blangko ang Sto. Domingo Police sa pangunguna ni Capt. Victor Borjal sa pagkaka­kilanlan ng suspek pero sa kanilang isinagawang backtracking at pagkuha ng kopya ng mga CCTV camera ay positibong natukoy ang salarin.

Sa CCTV, nakitang angkas pa sa motorsiklo ang guro ng isang lalaki na kalaunan ay nakilalang si Ryan Caturza Carale, 28-anyos, residente ng Aguinaldo St., Brgy.10 sa bayan ng Bacacay.

Lumalabas na isang buwan pa lang na kasintahan ng biktima si Carale.

Sa tulong ng Bacacay Police ay nakakuha pa ng kopya ng CCTV ang mga imbestigador at lumabas na dakong alas-10 ng umaga bago ang krimen ay sinundo pa ng suspek ang guro at dakong alas-12:15 ng hapon ay nakita nang patay na nakahandusay sa daan ang biktima.

Nang mapanood ang CCTV, sinalakay ng mga pulis dakong alas-9:20 ng gabi ang bahay ng suspek at agad na inaresto.

Nakitaan ang suspek ng mga sugat sa kamay na tanda ng panlalaban ng nobyang guro habang sinasaksak. Maging ang motorsiklong ginamit ng suspek sa pagsundo sa biktima ay nakitaan din ng mga tilamsik ng dugo.

Lumabas pa sa rekord ng pulisya na si Carale ay suspek din sa pagsaksak at pagpatay sa kanyang dating nobyang estudyante dahil sa selos at iniwang patay sa tabi rin ng kalsada ng Brgy. San Antonio, Tabaco City noong 2019.

Tikom pa ang bibig ng suspek sa motibo nito sa pagpatay sa nobya habang inihahanda na ng awtoridad ang isasampang kasong murder laban sa kanya.

Show comments