Lady engineer ng BARMM public works ministry, itinumba

Kinilala ang pinaslang na biktima na si Engineer Darlene Pacete, ng Ministry of Public Works and Highways (MPWH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
STAR/ File

COTABATO CITY , Philippines — Patay ang isang inhin­yera matapos barilin ng isang hinihinalang hired killer sa highway ng Barangay Tamontaka, Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguin­danao del Norte nitong Huwebes.

Kinilala ang pinaslang na biktima na si Engineer Darlene Pacete, ng Ministry of Public Works and Highways (MPWH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa ulat ng DOS Police, habang nasa loob ng isang establisimyento si Pacete at may mga kasama nang biglang lumapit ang isang hindi kilalang lalaki.

Agad na kinuha ng lalaki ang pistola sa kanyang bag saka malapitang pinagbabaril ang lady engineer at nang bumulagta ay mabilis na tumakas ang gunman.

Sa ulat ni Police Regional Office-Bangsa­moro Autonomous Region (PRO-BAR) director Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz mula sa DOS Police, agad na namatay sa insidente si Engr. Pacete dahil sa mga tama ng bala sa ulo.

Si Pacete, isang civil engineer by profession ay kawani ng MPWH-BARMM na may regional office sa Cotabato City, may 5-kilometro ang layo sa hilaga ng Barangay Tomantaka kung saan siya itinumba.

Lumalabas na nagawang makatakas ang suspek gamit ang isang getaway motorcycle na nakahimpil may ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente at may sakay na isang lalaki na kasabwat at nagsilbing lookout.

Show comments