COTABATO CITY , Philippines — Dalawang pulis, isa sa kanila ang babae, ang nasawi sa isang madugong drug buy-bust operation sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte kahapon ng umaga.
Sa pahayag nitong hapon ng Biyernes ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na namatay sina Patrolman Kirt Sipin at ang policewoman na si Cpl. Roselyn Bulias sa naturang insidente.
Sina Sipin at Bulias ay kasama sa grupong nagkunwaring mga sugapa sa droga at bibili sana ng isang kilong shabu sa apat na drug dealers sa isang entrapment operation sa tabi ng highway sa Crossing Simuay Area sa Sultan Kudarat.
Ang mga pulis ay pinaputukan ng mga suppliers ng shabu na target ng naturang buy-bust nang mahalatang sila ay mga kasapi ng Philippine National Police.
Agad bumulagta sina Sipin at Bulias habang dalawa pang kasamahan na kinilalang sina Patrolman Jonel Ramos at Patrolman Eddie Sugarol ang sugatan sa engkuwentro.
Dalawa sa apat na umano’y shabu dealers na nakasagupa ng mga pulis na sina Suhod Kasim at Ting Katulangan, ang naaresto sa encounter at ngayo’y nasa kustodiya na ng PRO-BAR.