COTABATO CITY, Philippines — Patay agad sa mga tama ng bala ang magpinsan na Maranao habang sugatan ang dalawa pang pinsan matapos na mauwi sa barilan ang kanilang awayan sa social media partikular sa Facebook, sa Balabagan, Lanao del Sur nitong Linggo.
Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagsisikap na ang local government officials at ang mga kasapi ng Balabagan Municipal Police Station na ma-resolba ang naturang madugong rido, o family feud, sa tulong ng mga traditional Maranao elders.
Kantiyawan lang diumano sa Facebook ang pinag-ugatan ng kanilang away, ayon sa pulisya at mga Maranao religious leaders na tumutulong na maayos ang away ng dalawang grupong magkamag-anak.
Sa mga inisyal na pahayag ng Balabagan Municipal Police at ng Lanao del Sur Provincial Police Office, nasawi sa naturang engkuwentro ng mga magkakamag-anak na sina Mandih at Nhor habang sugatan ang kanilang mga pinsan na sina Abdul at Nash.
Agad namang gumanti ang mga kamag-anak ng mga nasawi at kanilang sinunog ang sasakyan ng mga nakapatay sa dalawang biktima.
May mga emisaryo nang ipinadala ang mga mayor ng mga magkatabing bayan ng Balabagan at Kapatagan sa Lanao del Sur upang kausapin ang mga nakatatandang miyembro ng dalawang pamilya na mag-ayos na sa tradisyonal na pamamaraan.