MANILA, Philippines — Napaslang ang isang pinaghihinalaang miyembro ng lawless group habang nasakote naman ang apat pa nitong kasamahan sa pinagsanib na operasyon ng tropa ng mga sundalo at pulisya sa Brgy. Labu-Labu 1, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules.
Kinilala ni 40th Infantry Battalion Commanding Officer, Lt. Col. Ronaldo Mamangun, ang nasawi na si alyas Kagui Ramson/Kagui Mike.
Ang apat naman nitong nasakoteng kasamahan ay isinailalim na sa kustodya ng pulisya kaugnay ng kaso ng mga itong kriminal.
Sinabi ni Mamangun, na nagsagawa ng magkasanib na operasyon ang tropa ng militar at ang Datu Hoffer Municipal Police Station(MPS) laban sa grupo ni Kagui na nagresulta sa shootout na ikinamatay nito.
Narekober naman ng mga otoridad sa encounter site ang mga armas na kinabibilangan ng isang cal 30 rifle, isang M14 rifle, dalawang M16A1 rifle, isang XM15 rifle, dalawang cal. 45 pistol, dalawang bandolier,mga magazine at bala.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng mga otoridad na ang grupo ni alyas Kagui ay suspect sa mga serye ng pagpaslang at sangkot din ang mga ito sa insidente ng pagpapasabog ng Granada.