MANILA, Philippines — Kinondena nitong Lunes ni Naga City. Camarines Sur Mayor Nelson Legacion ang pagpapakalat ng “fake news” o mga maling impormasyon sa social media laban sa kanilang lungsod sa gitna na rin ng pagbangon sa matinding pinsalang tinamo sa bagyong Kristine.
Partikular na tinukoy ng alkalde ang “Bicol Headlines “ troll page na inakusahan nito ng sadyang pagpapakalat ng kasinungalingan upang maghasik ng kalituhan at guluhin ang patuloy na pagsusumikap ng lungsod na makabangon.
“Lubos na nakakagalit at hindi katanggap-tanggap na may ilang grupo, tulad ng Bicol Headlines troll page, ang sadyang nagpapakalat ng kasinungalingan upang iligaw at lituhin ang publiko. Hindi ito panahon para sa panlilinlang; ito ay panahon ng pagkakaisa at pagtutulungan,” saad ni Legacion.
Binigyang-diin ni Legacion na ang Calamity Fund Quick Reaction Fund (QRF) ng Naga City ay buo at handang gamitin para sa mga operasyon ng pagbangon ng kanilang lungsod taliwas sa mga espekulasyon sa social media.
Ayon sa alkalde, ang City Council ay nagpasa ng Resolution No. 2024-536 noong Oktubre 23, 2024, upang matiyak ang mabilis na pagmomobilisa ng mga mapagkukunan para sa kagyat na tugon sa kalamidad at mga hakbang sa pagbawi. Ang resolusyon ay nagbibigay pahintulot sa paglabas at paggamit ng QRF, na tuwirang pinabubulaanan ang mga sabi-sabing naubos na ang pondo.
“Sa patuloy na pagiging buo at handa ng QRF, kami ay nakahandang agarang tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang pagsisikap na guluhin ang aming mga hakbang sa pamamagitan ng maling impormasyon ay isang pagtataksil sa diwa ng pagkakaisa na kailangan nating pairalin para magtulungan sa krisis na ito,” giit ni Legacion.
Binalaan naman ni Legacion ang sinuman o grupong nagpapakalat ng maling impormasyon na kanilang papanagutin dahil sa pagtatangkaang hatiin o ilihis ang atensyon ng komunidad sa ganitong kritikal na panahon. Hinikayat din niya ang publiko na magkaisa at huwag paniwalaan ang mga maling balita upang mas mapabilis ang pagbawi ng lungsod.