MANILA, Philippines — Mistulang litsong manok ang nasa 46,000 na manok nang masunog ang isang poultry farm sa Brgy. Maslog, Danao City sa northern Cebu nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ni Fire Officer 2 (FO2) Christian Balio ng Danao City Fire Office, bandang 3:00 ng madaling araw (October 26) nang mamataan ng rumurondang security guard ang nasusunog na poultry farm kung saan matatagpuan ang mga blower na ginagamit sa ventilation at temperature sa lugar kung nasaan nakakulong ang mga manok.
Dahil dito, ginising ng sikyo ang kaniyang mga kasamahan na natutulog sa loob ng control room na agad namang tumawag ng mga bumbero.
Bandang 5:35 ng umaga nang tuluyang maapula ang apoy na tumupok sa aabot sa P101,325,000 halaga ng mga manok at kagamitan sa poultry farm.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Danao City fire station kung electrical overheating ang sanhi ng sunog.