Pagpatay kinondena ng Malacañang Lady brodkaster itinumba sa Zamboanga!

Maria Vilma Rodriguez
Photo courtesy of Philstar.com/John Unson

MANILA, Philippines — Patay sa pamamaril ang isang babaeng radio broadcaster sa Zamboanga City nitong gabi ng Martes.

Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, agad na namatay ang 56-anyos na si Maria Vilma Rodriguez nang barilin ng tatlong beses ng isang lalaking armado ng .38 revolver sa harap ng kanyang pamilya habang nakaupo malapit sa tindahan ng kanyang ina sa Comet Street, Barangay Tumaga, Zamboanga City.

Si Rodriguez, isang single mother na may apat na anak, ay dating­ volunteer reporter ng Brigada Station sa natu­rang lungsod bago na­ging host ng isang public affairs program ng 105.9 EMedia Radio na may online social media platform din. Nadeklara siyang dead-on-arrival ng mga doktor kung saan siya dinala ng mga barangay officials ng Tumaga upang malapatan sana ng lunas.
Tinutugis na ng mga kasapi ng iba’t ibang unit ng Zamboanga City Police Office at PRO-9 ang pumatay kay Rodriguez na mabilis na tumakas sa kalagitnaan ng kaguluhang idinulot ng pamamaril nito.

Tinitingnan ng pulisya ang ulat na may malaking alitan sa pagitan ni Rodriguez at ilang kamag-anak nito na posibleng siyang dahilan ng pagpaslang sa kanya.

Agad namang kinondena ng Malacañang ang pagpatay sa mamamahayag na si Rodriguez.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), hiniling nito sa kaukulang ahensiya ng gobyerno na magsagawa ng mabilis at malalimang imbestigasyon sa pagpatay kay Rodriguez upang mapanagot ang salarin.

“We condemn this barbaric attack on Ma. Vilma Rodriguez -- a journalist, barangay official, mother to four children, and model Filipino,” pahayag ng PCO. 

Show comments