2 dinedo sa inuman, suspek utas sa bugbog ng taumbayan

MANILA, Philippines — Dalawang magsasaka ang nasawi matapos na pagbabarilin ng kanilang kainuman habang napatay rin ang nasabing gunman nang kuyugin ng galit nitong mga kapitbahay habang tumatakas sa Ilagan, Isabela nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang dalawang nasawing magsasaka na sina Marvin Jake Coloma, 23-anyos at Charlie Rosete, 49-anyos.

Samantala, ang nasawing suspect ay nakilala namang si Arnel Bielgo, nasa hustong gulang, na napatay naman sa bugbog ng kaniyang mga kapitbahay.

Batay sa inisyal na ulat ng Isabela Police, alas-4 ng madaling araw habang nag-iinuman ang mga biktima at si Bielgo sa Brgy. Centro-San Antonio nang biglang maghamon ng away ang nasabing suspek hanggang sa binunot ang isang cal. 38 handgun at pinagbabaril ang dalawang kainuman.

Duguang bumulagta ang dalawa na nasawi noon din bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hinabol naman ng mga galit na kapitbahay at ka-barangay ang suspect na naubusan ng bala at nang maabutan ay dito na kinuyog at pinagtulu­ngang bugbugin hanggang sa mamatay sa naturang lugar.

Show comments