Sinet-up ng drug syndicate
MANILA, Philippines — Patay ang isang mister at ka-buddy nito nang paulanan ng bala ng kanilang hinihinalang ka-eyeball na motorcycle riding-in-tandem habang nag-aantay sa waiting shed ng Sitio Mangga sa Barangay Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon, nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Lt. Col. Carlo Caceres, hepe ng Sariaya Police Station, tadtad ng tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan nang madatnan ng mga rumespondeng pulis dakong alas-8:30 ng gabi ang mga biktima na kinilalang sina Bernardo Claveria Maranan alias “Tibor” at June Valverde Regalado alias “Asim”, 28, kapwa residente sa Sitio Padillo, Barangay Concepcion sa bayang ito.
Lumalabas na si Maranan ay naiulat na nakalabas ng kulungan sa kasong may kinalaman sa droga dahil sa “plea bargaining scheme” .
Sinabi ni Caceras na sinisilip nila ang anggulong “double cross” at “drug related” na motibo sa krimen.
Dagdag ni Caceras, posibleng na-setup ang dalawang biktima ng drug ring at plinanong patayin.
Batay sa imbestigasyon, kagagaling lang ng dalawang biktima sa kanilang tahanan at sakay ng motorsiklo nang magtungo sa nasabing waiting shed upang katagpuin ang kanilang kausap. Dakong alas-8:00 ng gabi habang nakatayo na ang dalawa sa waiting shed nang dumating ang isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang armadong lalaki.
Pagkababa sa motorsiklo ng mga suspek, malapitang pinaulanan ng bala ng kalibre .45 ang dalawang biktima na agad nilang ikinamatay saka sila tumakas.