7 patay, 100 sugatan sa salpukan ng bus, SUV

Apat ang dead-on-the-spot kabilang ang isang babae na naputol ang paa at tumilapon sa bangin habang tatlo ang binawian ng buhay sa ospital.
STAR/File

MANILA, Philippines — Pito katao ang patay habang nasa 100 ang sugatan sa banggaan ng tourist bus at isang SUV sa zigzag na bahagi ng Majayjay-Lucban Road sa Barangay Bakia, Majayjay, Laguna, nitong Linggo ng hapon.

Apat ang dead-on-the-spot kabilang ang isang babae na naputol ang paa at tumilapon sa bangin habang tatlo ang binawian ng buhay sa ospital.

Batay sa report ng Majayjay Municipal Police Station, 96 sa sakay ng bus, at apat sa anim na sakay ng SUV ang pawang sugatan sa insidente na isinugod ang mga biktima sa Majayjay District Hospital, Nagcarlan Hospital at Laguna Medical Center sa bayan ng Sta. Cruz.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) officer Reyjohn Libato, dakong alas-3 ng hapon nitong Linggo nang maganap ang salpukan sa pakurbang daan sa boundary ng Barangay Bakia at Ilayang Banga.

Mabilis na rumesponde ang rescue teams mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Laguna at Quezon Province upang makuha ang mga biktima na naipit sa loob ng bus.

Sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa “Kamay ni Hesus” pilgrimage site sa Lucban, Quezon ang mga biktima lulan ng tourist bus ng ARR Transportation at pauwi na sa Bacoor City, Cavite.

Ayon sa driver ng bus na si Nelson Bolanos, nagulat na lamang siya nang makasalubong ang Hyundai Kona (DAO-6739). Itinanggi nitong mabilis ang kanyang pagpapatakbo. Tumagilid pa ang kotse sa gitna ng kalsada habang bumalagbag ang tourist bus na puno ng pasahero.

Sinabi ni PMaj. Jordan Aguilar, hepe ng Majayjay Police Station, inaalam nila kung nagkaroon ng human o mechanical error sa parte ng bus dahil sa impact nito sa kasalubong na sasakyan. Aniya, may indikasyon na sumabit ang bus sa puno at kumain ng kabilang linya.

Dagdag pa ni Aguilar, hindi talaga ruta ng mga bus ang Majayjay-Lucban Road kaya nagtataka sila kung bakit doon dumaan ang tourist bus.

Inaalam din kung overloaded ang bus.

Show comments